BALAK ng Department of Education (DepEd) na mag-face-to-face classes na Setyembre 13 sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19. Ayon sa DepEd, 100 paaralan na ang kanilang natukoy na puwedeng magdaos na ng face-to-face classes sapagkat ang mga lugar ay klasipikadog low risk sa COVID-19.
Ganunman, sinabi ng DepEd na hihintayin pa rin nila ang pagsang-ayon ni President Duterte ukol dito. Nasa Presidente pa rin daw ang huling pagpapasya. Noong nakaraang school year, nagbalak din ng face-to-face ang DepEd pero hindi pinayagan ng Presidente. Ang kalusugan ng mga bata ang unang dahilan. Ayaw nitong malagay sa alanganin ang buhay ng mga bata. Walang nagawa ang DepEd kundi tumalima sa utos na wala munang face-to-face. Ituloy ang distant learning.
Ngayon ay nagbabalak na naman ang DepEd na mag-face-to-face sa mga low risk na lugar. Pero delikado pa rin kahit na sabihing mababa ang kaso ng COVID. Maraming variant ang COVID na sa isang iglap ay kumakalat – gaya ng Delta variant na nakakalat na sa maraming lugar at nakapagtala na ng 516 na kaso.
At handa na ba ang mga guro sa face-to-face? Bakunado na ba silang lahat? Ayon sa report, marami pang guro sa mga liblib na lugar ang hindi pa vaccinated. Kailangang mabakunahan muna lahat ang mga guro bago isagawa ang face-to-face classes.
Batay sa tala ng Department of Health (DOH) karamihan sa mga tinatamaan ng Delta variant ay unvaccinated individuals. Mahigit 18,000 ang naitatalang kaso bawat araw at ayon sa OCTA Research Group papalo ng 20,000 ang kaso bawat araw.
Tiyak na hindi pa rin papayag si President Duterte sa balak na face-to-face classes kahit sa low risk area. Ipagpatuloy ang distant learning. Pag-ibayuhin ang pamamahagi ng printed modules sa mga walang gadgets at tumulong naman ang mga magulang sa paggabay sa pag-aaral ng kanilang mga anak.