Kasabwat daw si Atorni (Unang bahagi)
TUNGKULIN ng isang abogado na maging tapat sa kanyang kliyente. Dapat ay unahin muna nila ang interes ng kanilang kliyente at protektahan ang kanilang mga karapatan. Pero ang pagiging tapat at masigasig ay hindi dapat kapalit ng tungkulin sa hustisya. Unang dapat na tandaan ng isang abogado na bilang isang opisyal ng korte ay dapat na gawin niya ang lahat para sa mabilis na pagpapatupad ng batas. Dapat na walang masamang motibo sa kanilang ginagawa laban sa kalaban nila. Para panatilihin ang dignidad ng kanilang propesyon, dapat ay tapat, parehas at matibay ang kanilang paninindigan. Ito ang alituntunin sa kaso ni Atty. Lina Trinidad.
Si Atty. Trinidad ang abogado ni Leo na nakipaghiwalay sa misis nitong si Aida. Kasalukuyang magkahiwalay ng tirahang condominium ang mag-asawa dito sa Manila. Sa katunayan, bilang abogado ni Leo, nagsampa ng petisyon si Atty. Trinidad para mapawalang-bisa ang kasal ng dalawa.
Isang taon na silang magkahiwalay at habang nasa ibang siyudad si Aida ay nakatanggap siya ng tawag mula sa building administrator ng kanyang condominium. Si Leo raw kasama ng tatlong katao ay pumasok sa lobby at pumunta sa condominium unit ng dating asawa.
Tinawagan naman ni Aida ang bodyguard niyang si Teddy Castro para pigilin ang mister. Pero nagalit pa ang lalaki nang harangin ng tauhan ni Aida kahit pa sinabi nito na napag-utusan lang naman siya. May dumating pa na lima hanggang pitong katao na tumakot kay Teddy pero umalis din nang dumating ang rumespondeng mga pulis.
Hindi nagtagal, si Atty. Trinidad naman ang dumating at nakipag-usap sa mga pulis. Pag-alis ng mga pulis, sapilitang pinasok nina Leo at Atty. Trinidad ang unit ni Aida sa tulong ng isang locksmith na nagdistrungka sa pinto.
Bandang huli, nadiskubre ni Aida na may 12 pirasong mamahaling bag niya ang nawawala. Base rito, nagsuplong siya sa mga pulis at pinagawa ng salaysay ang kanyang bodyguard na si Teddy. Nagsampa rin siya ng disbarment case laban kay Atty. Trinidad dahil sa pakikipagsabwatan nito sa kliyente na sapilitang pasukin ang kanyang condo unit.
(Itutuloy)
- Latest