EDITORYAL - May ayuda pang hindi naibibigay ang DSWD

Mayroon pa palang Social Amelioration Program (SAP) fund noong nakaraang taon na hindi naipapamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito ay base sa 2020 audit report na inilabas ng Commission on Audit noong nakaraang linggo. Dahil hindi naipamahagi ang SAP, 139,300 na kuwalipikadong beneficiaries ang apektado at nagtiis ng hirap noong nakaraang taon habang sinasagasaan ng pandemya.

Pati pala DSWD ay kinukuwestiyon sa pondo. Hindi lamang pala Department of Health, National Irrigation Administration, Philippine Ports Autho-rity, Overseas Workers Welfare Administration at PTV-4 ang kinakastigo ng COA dahil sa maling pamamahala sa pondo, kasama rin pala ang DSWD. Kung sino pa ang ahensiyang inatasan na mamahagi ng SAP fund ay ito pa pala ang magkukulang. Anyare, DSWD?

Ayon sa COA, P780.7 milyong SAF funds ang hindi naipamahagi ng limang field offices ng DSWD noong nakaraang taon. Ayon sa report natapos ang Disyembre 2020 ay hindi naipamahagi ang SAP sa 139,300 beneficiaries. Napagkaitan sila ng tulong na hindi naman sana dapat nangyari kung naging maayos ang pamamahagi.

Ayon sa COA, ang limang DSWD field offices na nabigong ipamahagi ang ayuda noong nakaraang taon ay ang Davao Region kung saan P274.5 mil­yon ang hindi naipamahagi; Eatern Visayas, P228 milyon; Central Visayas, P173.9 milyon; Cagayan Valley. P26.2 milyon at Cordilleras, P78.1 milyon.

Nabigo umano ang pamamahagi ng SAP dahil sa pagkakasama ng mga hindi kuwalipikadong be-neficiaries sa masterlists ng field offices. Bagama’t na-refund naman umano mula sa mga hindi kuwalipikadong benepisyaryo ang naipamahagi, naapektuhan naman nito ang mga kuwalipikado.

Nangyari ito noong nakaraang taon. Noong nakaraang linggo, namahagi muli ng ayuda ang pamahalaan. May pagkakamali na naman kayang nagawa ang DSWD sa pagkakataong ito? Sana naman, wala na sapagkat kawawa naman ang mga benepisyaryo na dapang-dapa na sa pagtama ng pandemya. Ayusin sana ng DSWD ang pamamahagi ng ayuda.

Show comments