Sa ating bansa, ang kasal ang pinakasagradong institusyon. Ang isang legal na kasal ay hindi basta malulusaw ng diborsiyo para lang muli silang makapagpakasal sa iba. Pero ayon sa batas (Art. 26, par. 2 Family Code), ang diborsyo na nakuha ng isang banyaga na nagpakasal sa isang Pilipina para siya maikasal ulit sa iba ay maaaring kilalanin dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng petisyon ng asawang Pilipino. Ito ang batas na ginamit sa kaso ni Cathy at ng kanyang Koreanong mister na si Kim.
Nagpakasal sa Maynila sina Cathy at Kim pero apat na buwan lang ang itinagal ng kanilang pagsasama. Nagkasundo ang dalawa na magdiborsyo sa Korea. Matapos ang diborsyo na kinumpirma ng hukuman sa Korea, nagsampa ng petisyon si Cathy para kilalanin sa Pilipinas ang nasabing foreign divorce.
Dahil mukhang sapat naman ang mga ebidensiyang inihain, naglabas ng utos ang korte tungkol sa iskedyul ng paglilitis. Ang utos ay inilathala sa diyaryo kada linggo sa loob ng tatlong linggo. Nagpadala rin ng kautusan para humarap sa kaso ang Office of the Solicitor General (OSG) bilang abogado ng Republika ng Pilipinas sa tulong ng Office of the Public Prosecutor ng probinsiya.
Sa paglilitis, ginamit na testigo sa paghahain ng ebidensiya ang kapatid ni Cathy na babae na si Amanda na tumatayong attorney-in-fact niya. Sa kanyang salaysay, ipinaliwanag ni Amanda na hindi makakabalik ng Pilipinas si Cathy dahil paso na ang kanyang visa. Pero sa kabila nito, sinabi ni Amanda na may ibang girlfriend si Kim na balak pakasalan. Napilitan lang daw si Cathy na pumayag sa diborsyo dahil tinakot na papatayin ni Kim.
Pinagbigyan ng RTC ang petisyon at kinilala ang divorce mula sa Korea. Inutos sa local civil registrar na irehistro ang diborsiyo. Kaya nabigyan ng legal na karapatan si Cathy na muling magpakasal. Pero kinuwestiyon ng OSG ang desisyon hanggang sa Court of Appeals nang hindi pagbigyan ang kanilang mosyon para sa rekonsiderasyon ng kaso.
Pinagbigyan ng CA ang OSG at binaliktad ang desisyon. Hindi raw puwedeng pagbigyan ang petisyon dahil ang diborsyo nina Cathy at Kim ay parehas na ginusto ng dalawa at hindi lang dahil sa nais ng banyaga alinsunod sa nakasaad sa Art. 26 (2) Family Code. Tama ba ang CA?
MALI. Ayon sa Supreme Court, ang hinihingi lang sa batas ay legal na nakuha ang divorce sa ibang bansa. Hindi sinabi na kailangan na ang banyagang asawa ang nag-umpisa o humingi ng diborsyo. Walang pakialam ang batas kung ang asawang Pilipino ang nagpetisyon o ang nagdepensa sa diborsiyo.
Ang layunin lang ng ating batas ay iwasan ang katawa-tawang sitwasyon kung saan ang isang Pilipino o Pilipina ay nananatiling kasal sa kanyang banyagang asawa samantalang dahil sa diborsyo ay hindi naman na talaga siya asawa ng banyagang pinakasalan. Ito ay para lang itama ang anomalya na ang ating mamamayan ay nakatali pa sa kasal sa banyaga samantalang libre na ang kabiyak na magpakasal sa iba.
Hindi na pinag-uusapan dito kung ang Pilipino ang nag-umpisa sa diborsyo sa ibang bansa basta’t mayroong legal na divorce decree na naglulusaw sa kanilang pagsasama. Pareho lang naman ang sitwasyon ng isang nag-umpisa sa petisyon ng diborsyo at ng kapwa niya Pilipino na kinasuhan sa diborsyo sa ibang bansa. Basta ang epekto nito ay dapat kilalanin ang legal na desisyon sa diborsyo mula sa ibang bansa.
Kumbaga, kinikilala lang naman natin ang epekto dito sa Pilipinas ng nasabing divorce decree dahil sa operasyon ng batas ng nasabing bansa. Kaya ang desisyon ng CA ay binabaliktad at isinasantabi. Ang desisyon ng RTC ay tamang ibinabalik lamang (Galapon vs. Republic, G.R. 243722, January 22, 2020)