SINABI ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ilalabas nila ngayong Agosto ang uniform vaccination card. Pero hanggang ngayon, malapit nang matapos ang Agosto, wala pang napapasakamay na vax card ang mga bakunado. Maraming nagtataka sapagkat nangako ang DICT na ilalabas ito kasabay sa paglagda ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 noon pang Pebrero. Ayon sa DICT lahat ng mamamayang bakunado ay magkakaroon ng iisa at unipormadong vaccination card.
Mahalaga ang pagkakaroon ng iisa o uniform na vaccination cards sapagkat magagamit ng mamamayan na magbibiyahe sa probinsiya. Isa ito sa requirements na inilabas ng IATF. Mahalaga lalo ngayong nasa enhanced community quarantine ang NCR plus.
Lubha ring mahalaga sa overseas Filipino workers (OFWs). Hindi makakabalik ang OFWs sa pinagtatrabahuhan hangga’t walang vaccination card na iisa ang source. Hindi tinatanggap ang vaccination cards na inisyu ng local government units (LGUs).
Ang Hong Kong ay naghigpit na sa vaccination card. Hindi papayagang makabalik ang OFWs na walang uniform vaccination card. Kailangan umanong iisa ang source ng card. Dahil sa patakarang ito, apektado ang pagbabalik ng 3,000 Pinay workers sa Hong Kong. Kung hindi makakabalik sa HK ang OFWs paano ang kanilang kabuhayan?
Nararapat tuparin ng DICT ang naipangako para naman hindi malagay sa alanganin ang trabaho ng OFWs. Dapat namang makipag-ugnayan ang local government units (LGUs) sa DICT para mapabilis ang pag-iisyu ng vaccination cards. Lahat ng impormasyon ay manggagaling sa LGUs kaya nararapat ang koordinasyon dito. Una nang sinabi ng LGUs na ipo-provide nila ang lahat ng impormasyon ng mga nabakunahan para maging mabilis ang pagkakaroon ng data base ng mga bakunado.