Babae ‘weaker sex’? Hindi sa unipormadong serbisyo

NITONG dekada dumami nang dumami ang mga babae na sumasapi sa United Nations peacekeeping forces. Hinahalo sila sa mga nakakaraming lalaki. Nagpadala pa nga ang India ng isang batalyon ng pulis na lahat babae.

Sumunod ang Bangladesh. Dine-deploy ng UN ang mga babae sa mga bansang may civil war. At ito ang napansin: Una, mas nagtatapat sa kanila ang mga babaing biktima ng gahasa at iba pang abuso. Ikalawa, mas solido ang intelligence na nakakalap nila. Bakit kaya gan’un?

Sinaliksik ng Economist magazine kamakailan ang papel ng mga babaing sundalo at pulis. Sa maraming bansa na tumatanggap ng babae sa sandatahang lakas at pulisya, magkasing-tindi ang pagsasanay ng lalaki at babae. Sa ilan sa kanila, tulad ng America at Britain, pinasasali ang babae sa bakbakan. Patas sila. Pero sa mata ng sibilyang biktima ng giyera, mas mapagkakatiwalaan ang unipormadong babae.

Halimbawa, nagiging mas magalang at masunurin ang mga lalaking sibilyan sa mga babae kaysa lalaki na sundalo o pulis. Ang mga babae at bata ay mas kampante sa piling ng babae maski may dala ring baril. Mas nakikipag-kuwentuhan ang mga sibilyan sa checkpoints kung marami ang babaing sundalo o pulis. Mas nagtitiwala sila kaya malayang nagkukuwento.

At nariyan ang sagot sa tanong. Hindi nga maisasabak sa banatan ang buntis. Nag-aatubili nga ang officers na pasamahin sa mapanganib na patrolya ang mga babae; nagiging protective sila. Pero hindi lang barilan ang tungkulin ng sandatahang lakas at pulisya. Mahalagang misyon nila ang makiisa sa komunidad at mangalap ng intelligence. Dahil sa ibang trato ng sibilyan sa babae, mas lamang sila sa mga gan’ung operasyon. Namemedalyahan pa nga.

Sa Pilipinas may babaing parachutist, piloto, at officer sa barko.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments