Sa kabila ng muling pagtaas ng mga kaso ng Delta variant sa buong bansa, lalo na sa kalakhang Maynila, patuloy na sinisiguro ng Pamahalaang Lungsod ng Makati na lahat ng Makatizens ay maayos na naaalagaan at nabibigyan ng atensyong medikal kahit hindi sila naka-admit sa ospital.
Noong nakaraang linggo ay nagsimula kaming magpamahagi ng home care packages para sa mga residenteng may mild symptoms ng COVID na naka-home quarantine.
Gusto naming matulungan ang mga pasyenteng ito na mamonitor ang kanilang kondisyon at magpagaling sa loob mismo ng kanilang mga tahanan. Kaya naman tiniyak namin na ang laman ng package ay makakatugon sa mga pangangailangan ng pasyente.
Ang bawat home care kit ay naglalaman ng COVID-19 Home Care Handbook, alcohol, oral antiseptic, sore throat spray, fever pad, thermometer, washable at disposable face masks, pulse oximeter, vitamins at gamot para sa lagnat.
Nagsisilbi namang gabay ng mga pasyente at kanilang mga kapamilya ang COVID-19 Home Care Handbook sa tamang paraan ng home quarantine o isolation. Laman din nito ang mga kasagutan sa mga karaniwang tanong tungkol sa COVID at sa bakuna laban dito, kasama ang iba pang mahalagang impormasyong galing sa Department of Health at World Health Organization.
Napakahalaga na mapagaling agad ang ating mild cases na naka-home quarantine. Kapag naagapan ang kanilang kondisyon ay hindi na kakailanganin pang ma-admit sila sa ospital. Mabisa itong paraan para mabawasan ang pagsisiksikan ng mga pasyente. Kapag patuloy na dumami ang mga pasyente sa ospital ay magko-collapse ang ating healthcare system. Magdudulot ito ng mas malaking problema para sa napakaraming indibiduwal.
Bukod sa home care kit ay nagbibigay din kami ng food packs sa mga naka home quarantine, pati na mga medisina sa mga may Yellow Card. Kasabay din nito ang pag-release ng P1,000 ECQ ayuda sa bawat kuwalipikadong Makatizen.
Noong Miyerkules, August 11, may 233,679 residente na ang kaagad na nakatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng electronic money transfer sa kanilang GCash account. Katumbas ito ng 52 porsiyento ng kabuuang pondong P511.98 milyong ipinadala ng pambansang pamahalaan.
Dahil sa online transfer, muli nating naiwasan ang mahahabang pila at pagkukumpulan ng mga tao na labis na mapanganib, lalo pa’t may mga variant ng COVID na lubhang mabilis makahawa.
Hangga’t maaari, dapat iwasan ang face-to-face tansactions para hindi magkahawaan. Kaya naman pinag-aaralang mabuti ng lungsod ang mga mas ligtas na alternatibong paraan ng pagbabahagi ng ayuda sa mga nangangailangang mamamayan, at sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno.