Problemado ang gobyerno kung saan kukunin ang ipang-aayuda sa mamamayang apektado ng lockdown. Kapag ini-extend pa ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, lalo pang bibigat ang problema sapagkat hindi na talaga alam ng pamahalaan kung saan kukuha ng perang pang-ayuda.
At habang ang pamahalaan ay hilong-talilong sa paghanap ng pondo, mayroon namang tanggapan ng pamahalaan na hindi maayos ang pamamahala sa COVID-19 funds. Imagine, habang saklot ng pandemya ang bansa ang tanggapang ito ay inaakusahan ng Commission on Audit (COA) na may iregularidad.
Ayon sa COA, hindi maayos ang pamamahala ng Department of Health (DOH) sa COVID funds na nagkakahalaga ng P67.32 bilyon. Ang nasabing pondo ay nakalaan para gamitin sa pananalasa ng COVID noong nakaraang taon subalit hindi naisagawa. Ayon pa sa COA, may mga iregularidad umano sa pagbili ng medical supplies na hindi naman nagamit dahil sa kakulangan ng plano.
Hanggang ngayon, ayon sa COA, ang mga biniling supplies ay hindi pa nagagamit. Ito pa naman ang mga gamit na mahalaga para sa pagtugon sa pandemya. Ayon sa COA, nilabag ng DOH ang Government Procurement Reform Act nang magkulang sa documentation at pagsunod sa procurement procedure.
Sabi naman ni DOH Sec. Francisco Duque III, na walang anomalya sa nasabing pondo at ginamit ito sa pagbili ng COVID test kits, personal protective equipment (PPEs) at para sa suweldo ng mga medical frontliner.
Nararapat na magkaroon nang malinaw na imbestigasyon sa alegasyon na ito sa DOH. Lagi na lang nakukuwestiyon ang departamento na may kinalaman sa pondo. Kailangang maglabas ng katibayan ang DOH para hindi sila mapagbintangang nagbubulsa ng pondo. Ngayong naghihikahos ang bansa dahil sa pandemya, walang puwang ang pagnanakaw ng pondo ng bayan. Kailangang ipaliwanag ng DOH ang ibibintang ng COA. Kapag hindi ito nagawa ng DOH sa lalong madaling panahon, malinaw na may katotohanan ang alegasyon.