Nagsimula na

Kahit panahon ng pandemya, marami na ang abala sa pamumulitika sa paparating na halalan. Ang pagpa-file ng kandidatura ay dalawang buwan pa ang layo pero nagsisimula nang makita kung sino ang maaaring tumakbo o sino ang susuportahan ng mga partido at pangkat.

Sa ngayon, isang tao pa lang ang nagpahiwatig ng kanyang hangarin na tumakbo para sa pinakamataas na tanggapan sa bansa. Ang iba ay tikom pa rin ang plano, kung meron man.

 Ang kasalukuyang administrasyon ay liyamadung-liyamado. May pondo at makinarya para manalo. Sa pahayag kamakailan ni President Duterte na magdadala siya ng “mga sako ng pera” sa kampanya para sa mga kandidato ng kanyang partido, ang PDP-Laban, ay mukhang sapat na para makuha nila ang tagumpay kahit ilang beses pang magpaliwanag o ipaikot ng dakilang tagapagsalitang Harry Roque ang mga pahayag ng kanyang amo.

 Ang 1Sambayan naman ay may tamang ideya. Mag pulung-pulong ang lahat ng grupo at partido na kilalang oposisyon sa administrasyon at sumang-ayon sa isang kandidato na pantapat. Dahil sa rami ng partidong puli­tikal sa Pilipinas, ganundin karami ang kandidato pagdating ng halalan.

May halalan na hindi bumaba sa pitong kandidato para sa pagkapresidente ang tumakbo. Kung ang mga boto ng lahat ng natalong kandidato ay pinagsama bilang isa, malalampasan ang bilang ng boto ng nagwagi. Pero sa ngayon wala pang linaw kung magaganap ang plano ng 1Sambayan.

Maraming pulitiko ang tumanggi na sa paanyaya ng 1Sambayan. Maaaring isipin na may sarili silang plano. Si Sen. Panfilo Lacson pa lang ang unang nagdeklara ng kanyang hangarin sa pagkapangulo. Pero inilahad muna niya ang kanyang “formula” para may laban umano ang kandidatong pantapat sa administrasyon kay Vice President Leni Robredo.

Ngunit tinanggihan ni Robredo ang formula ni Lacson at sinabing hindi niya gusto ang ideya ng pag-atras matapos opisyal na maghain ng kanyang kandidatura kahit mababa pa ang kanyang mga numero sa survey. Mukhang walang nangyari sa pulong kaya ipagpapatuloy ni Lacson ang kanyang intensiyon. Isang tagasuporta naman ni Duterte ang pinili niya para tumakbong vice president.  

 Sinimulan na rin ng Palasyo ang pag-atake at paninira sa kandidatong sa tingin nila ay makakatapat nila. Si Manila Mayor Isko Moreno ay tila target ng Palasyo. Pinatunayan ito ng nga pahayag ni Duterte sa nakaraang pinaggagagawa ng mayor noong artista pa.

Para namang walang mga kabastusang ginawa si Duterte kung saan siya mismo ang nagpahayag. Ang pahayag matapos mapatay ang misyonaryo, ang ginawa sa kasambahay, ang talumpati sa Palawan at marami pa.

 Ikinagulat ko naman ang pagpayag ng PDP-Laban na tanggapin si Bongbong Marcos bilang miyembro ng partido kung yayakapin ang mga prinsipyo nito.

Anong mga prinsipyo kaya iyon? Pareho ba noong tumakbo si Cory Aquino laban sa ama ni Bongbong? Hindi ba ang PDP-Laban ang partido na nagtagumpay sa diktaduryang Marcos? Ngayon ay payag silang tanggapin si Bongbong? Nagsimula na nga ang pulitika sa Pilipinas!

Show comments