May anim na anak sina Martha at Berto, sina Ruby, Lilia, Lita, Sergio, Tita at Jun. Unang namatay si Martha at nag-iwan ng huling testamento. Naulila niya ang mister na si Berto at anim na anak. Nang namatay si Martha, kasal na si Jun kay Gina at may apat na anak, sina Mando, Rina, Fred at Dino. Apat na taon pagkatapos namatay si Martha, sumunod na namatay si Jun na napawalang bisa na ang kasal kay Gina at nakikisama na sa ibang babae, kay Nena.
Pitong taon ang nakalipas, ang tatay naman ni Jun na si Berto ang namatay. Limang anak nito at ang apat na apo kay Jun ang naiwan na tagapagmana.
Isang petisyon ang sinampa para sa pag-apruba sa testamentong iniwan nina Berto at Marta. Isinampa ito ng panganay na anak na si Mando sa tulong ng tiyahin na si Lilia at tiyuhin na si Sergio. Bandang huli, nakisawsaw din sa petisyon ang Tita Ruby at Tita Lita ni Jun. Inaprubahan ng korte ang mga testamento at ginawang administrador si Mando.
Pagkatapos nito, nagsumite ng mosyon si Nena para makialam sa usapin ng paghahati ng mana. May interes daw siya rito dahil siya ang naulilang asawa ni Jun na pinakasalan nito isang taon bago namatay ang lalaki. Ang namayapa raw nitong mister ay may karapatan sa 1/7 na bahagi ng mana mula kay Martha at bilang asawa ay may parte siya sa mana ni Jun na katumbas ng sa mga anak nito alinsunod sa Art. 887 Civil Code.
Kinontra ni Mando at mga anak ni Berto na sina Ruby, Lilia, Sergio, Lita at Tita ang argumento ni Nena at katwiran ay walang legal na interes na maghabol ang babae sa pagdinig tungkol sa mana. Hindi naman daw ito ang legal na asawa ni Jun dahil kasal pa ang babae sa ibang lalaki noong nagsasama sila.
Nagsumite pa rin si Nena ng mosyon para makialam sa pagdinig sa usapin ng naiwang ari-arian ni Jun na isinampa naman ng anak nito na si Zeny sa RTC. Pinagbigyan ito ng korte. Pero hindi pinayagan sa RTC na dumidinig sa estate proceedings ng mag-asawang Berto at Martha. Humingi ng rekonsiderasyon si Nena pero hindi pa rin pinayagan.
Inakyat ni Nena ang kanyang mosyon sa Court of Appeals na pumabor sa kanya. Bilang biyuda ni Jun, dapat daw payagan ang babae na makialam sa interes ng mister sa mana mula sa nanay nito na noon ay hindi pa naiayos. Niliwanag ng CA na ang karapatan ni Nena ay hindi bilang manugang kundi bilang heredero o tagapagmana ni Jun. Tama ba ang CA?
MALI. Ayon sa Supreme Court, una, lahat nang karapatan at interes ni Nena sa ari-arian na naiwan ni Jun ay puwedeng protektahan sa estate proceedings ng mister na nasa ibang RTC. Doon ay direkta niyang maipaglalaban ang karapatan bilang asawa at tagapagmana ni Jun. Hindi kailangan ang kanyang partisipasyon sa pagdinig ng usapin sa mana ng mag-asawang Berto at Martha.
Idagdag pa na hindi puwedeng magmana si Jun mula sa ari-arian na naiwan ng ama dahil nauna itong namatay. Ang mga anak lang ni Jun ang puwedeng maghabol bilang tagapagmana ng lalaki alinsunod sa Art. 972 ng Civil Code kung saan nakasaan na ang pababa at hindi pataas ang paraan ng representasyon sa mana. Hindi rin kadugo si Nena kundi kasal lang kay Jun.
Ikalawa, kinukuwestiyon pa ang karapatan ni Nena bilang legal na asawa. Nakataya rito ang legalidad ng kasal nila ni Jun. Si Mando na kumontra sa pakikialam ni Nena sa pagdinig ng usapin sa mana nito at isa sa mga anak ni Jun ang nagsasabi na may bigamya dahil kasal pa sa iba ang babae. May ipinakitang marriage certificate ni Nena at isang “Rene Santos” pati ebidensiya tungkol sa kasal na sibil sa MTC ng ibang siyudad.
Ang desisyon ng CA at resolusyon nito na binabasura ang mosyon ni Mando para sa rekonsiderasyon ay dapat baliktarin at isantabi. Ang mosyon ni Nena para makialam sa pagdinig sa mga testamento nina Berto at Martha habang dinidinig sa ibang korte ay dapat lang na hindi pagbigyan (Tirol vs. Nolasco, G.R. 230103, August 27, 2020).