Nakapagkamit man ng medalya o hindi, kahanga-hanga ang ipinamalas na lakas ng ating mga pinakamamahal na Olympians sa katatapos lang na patimpalak. Kahit hindi man natin sila kaanu-ano, nakatutuwang pagmasdan ang marami sa atin na proud na proud sa kanila. Sa mga nakaraang linggo, umaapaw ang pagmamahal at suporta hindi lang sa medalists na sina Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial. Todo-hiyaw din ang mga Pinoy sa mga atletang gaya nina Carlos Yulo at Margielyn Didal kahit hindi sila nakatuntong sa podium.
Hindi ko lubos maisip kung gaano kahirap ang pinagdaanan ng mga Olympian natin. Tiyak na ubusan ito ng lakas—hindi lamang sa pisikal kundi lalung-lalo na sa emosyonal at mental na aspeto. Bilang board member at ambassador ng Philippine Mental Health Association, masasabi kong ibang nibel ang ginawa nilang pagpapatibay at pagpapatatag sa kanilang mental health.
Gaano nga ba ka-importante ang tinatawag na “mental toughness” sa larangan ng sports? Sa aming “Pamilya Talk” episode, nakausap ko mismo sina Hidilyn (gold, women's weightlifting - 55 kg event) at ang mga kapamilya ni Nesthy (silver, women’s boxing - featherweight event). Dito ko nalaman kung sino at ano ang mga pinagkukunan nila ng pambihirang lakas na kanilang ginamit para matupad ang kanilang misyong magbigay karangalan sa bansa. Nakasama rin namin sa episode ang mental health advocates na Project: Steady Asia ni Gang Badoy-Capati, na tumumbok naman sa kahalagahan ng mental health at wellness sa pang-araw-araw na buhay.
Si Hidilyn at ang kanyang pusong kampeon
Espesyal na sa akin ang Hulyo dahil birthday month ko ito. Pero mas naging espesyal pa ito dahil July 26 nang nanalo si Hidilyn Diaz ng gintong medalya. Ito nga ang pinakaunang gold ng bansa simula noong sumali ito noong 1924. Tinabunan niya ang ano pa mang mga balita noong araw na yun, kasama na ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Parang piyesta sa buong Pilipinas sa pagkapanalo ni Haidee! Todo bati ang mga tao online, kasama na rin ang mga brands na naghandog ng mga cash at iba pang incentives pandagdag sa makukuha nyang P10 milyon sa gobyerno.
Lingid sa kaalaman ng marami, kung gaano kabilis ang kanyang pagsikat at pag-angat dahil sa kanyang pagkapanalo, ganoon din kahaba at katagal ang nilakbay ng Zamboangueña bago niya makamit ang lahat ng ito. Nag-umpisang sumali si Hidilyn sa Olympics noong 2008, at nanalo ng medalyang pilak noong 2016. Ngunit bago pa man ito, matindi na ang kanyang pinagdaanan.
Saan nga ba nakuha ni Haidee ang kanyang lakas ng loob at talas ng pag-iisip?
“Hind naging automatic yung mental toughness na meron ako as an athlete. Kasi nasa sports ako for 19 years,” sabi ni Hidilyn, na ngayo’y 30 taong gulang na. “Sa tingin ko, nakuha ko ito sa lahat ng experiences ko—ilang beses akong nadapa at ilang beses ko nang gustong sumuko. Sa tingin ko naging malakas ako dahil sa mga pagsubok na pinagdaanan ko.”
Kahit si Hidlyn, hindi naiwasang maapektuhan ng pandemya ang kanyang tatag.
“Na-realize ko din noong pandemic na hindi ko kayang mag-isa, na kailangan ko ng kasama. Thankful ako na nariyan (ang team ko).”
Bukod sa team at sponsors, nagpapasalamat lalo si Haidee sa kanyang pamilya. Hindi raw biro nang payagan nila si Hidilyn na pasukin ang isang mapanganib at dati’y panlalaking sport lamang.
“Thankful ako sa nanay ko dahil sinuportahan niya ko sa sports na ginawa ko. Before, ayaw niya akong gawin ito. Thankful ako na pinapunta nila ako sa training sa China at Manila kasi dun ako natuto maging independent, na wala akong ibang sasandalan kasi malayo sila. Natuto akong maging matatag. Good thing din na (nandyan sila) to guide me by constantly communicating with me.”
“Umiiyak pero lumalaban” ang paglalarawan ni Haidee sa kanyang sarili—mga pinaghalong ugali na namana raw niya sa kanyang mga magulang.
Si Nesthy at ang kanyang pusong palaban
Mga lalaking boksingero lang ang kilala ng marami sa atin dahil na nga sa kasikatan ng mga gaya nina Pacquiao, Donaire at Elorde. Pero sa pagkapanalo ng silver ng Davaoeñang si Nesthy Petecio sa Tokyo Olympics, mukhang mas magkakainteres na rin tayo sa female boxers. Ang 5’2” na si Nesthy ang kauna-unahang Pinay na nakapag-uwi ng Olympic medal sa boksing.
Bago pa man ang Olympics, nakapagbigay karangalan na si Nesthy sa bansa sa iba’t-ibang mga patimpalak. Kasama na rito ang Southeast Asian Games, AIBA World Boxing Championships, at Asian Amateur Boxing Championships—mga torneyo kung saan sya nanalo ng halo-halong gold, silver at bronze.
Nagsimulang magboksing si Nesthy sa Davao del Sur, kung saan siya pinalaki ng kanyang mga magulang na magsasaka. Sa tulong ng kanyang Tatay Teodoro -- na siyang nagsanay sa kanya – siya’y sumali-sali sa inter-barangay contests, at dito raw siya nahasa nang husto. Ginawa raw ito ng bata para makatulong sa mga gastusin sa bahay.
Kaya naman, kung tatanungin saan kinukuha ni Nesthy ang kanyang lakas, ang sagot niya ay sa kanyang pamilya.
“Mabait, ayaw magsalita, at may respeto yan sa magulang” sabi ng kanyang Nanay Priscilla.
Ikinuwento naman ni Tatay Teodoro ang kakaibang tapang ni Nesthy, na siyang nagtulak sa kanyang suportahan ang anak.
“Nung Grade 4 (siya), meron syang kasuntukan. Napabayad kami ng P700 na pampatahi kasi nasugatan niya yung noo ng kalaban. Sabi ko, ‘Malakas na bata ito!’ Lalaki yung kasuntukan niya! Nakita ko na ang galing at tapang niya (noon pa man).”
“Pursigido syang magsanay. Sabi ko, ‘Wag ka dyan, babae ka. Di para sa yo yan. Pang lalaki yan.’ Pero nagpursigi talaga siya na matuto kaya sinuportahan ko na lang sya.”
Pangarap daw ni Tatay Teodoro noon pa man na makatuntong siya mismo sa Olympics. Kaya naman laking tuwa niya na kanyang anak na ang tumupad nito.
“Wala akong pinapangarap na materyal na bagay. Pinangarap ko lang na makaapak sa Olympics at manalo ng medal. Sobrang proud ako na nakamit niya yung pangarap ko.”
Ang kahalagahan ng support groups
Hindi biro ang sports. Ibang nibel ang lakas ng katawan at tibay ng isipan na kailangan dito, lalo na siyempre sa Olympics.
Demanding nga talaga ang career na tinahak ng mga atletang gaya nina Hidilyn at Nesthy. Kaya naging mahalaga talaga ang pagkakaroon ng mga kapamilya, kaibigan at kasambuhay sa mga dinaraanang pagsubok.
Alam na alam ito ng lead trauma therapist ng Project: Steady na si Gang Badoy-Capati, na nakatrabaho na ni Hidilyn noong 2012 Rio Olympics at ngayon sa Tokyo. Si Badoy ang namumuno sa Zoom sessions tungkol sa mental health at wellness, na siya namang dinadaluhan ni Hidilyn noong nagsimula ang pandemya. Naging isa nga si Badoy-Capati sa mga naging susi sa paglakas at pagtibay ng loob ni Haidee.
“Parang muscle din ang puso,” sabi ni Badoy-Capati. “Balewala kung nag-gold si Hidilyn o hindi. Kung nag-gold sya, pero pangit ugali niya, di siya generous, di siya nagpapakita ng gratitude like ‘thank you,’ ‘po,’ ‘opo,’ ‘excuse me’—for me, parang natalo ako. As a mental health therapist, hindi siya victory for me. O kapag umuwi si Hidilyn nang (may dalang) gold pero bruha sya at kung masungit sya.”
Bilib din ang Project Steady Managing Director na si Rodmark Barriga sa mga atletang gaya nina Hidilyn at Nesthy, na hindi nilamon ng matinding pressure ng kanilang career.
“More than athletes, tao sila. Kapareho natin sila. Sometimes pag nilalagay natin sila sa pedestal, mas mahirap maintindihan yung mga pinagdadaanan nilang lahat,” sabi ni Barriga, na isa ring dating atleta.
Kaya naman sa panahon ngayong binabalot ng takot, hinihikayat ng Project: Steady ang publiko na maging mas bukas sa usaping mental health at mental wellness.
“May stigma talaga when it comes to mental wellness. That’s not just in the Philippines. Globally, mahirap pag-usapan ang mental health and wellness kasi iba na agad ang naiisip natin,” tumbok ni Barriga. “What we try to do (with Project: Steady) is to try to normalize it, na lahat tayo ay may mental health. Parang physical health natin yan na kailangang alagaan at i-exercise.”
Ipinapaalala rin ito ng resident adult psychiatrist ng Project: Steady na si Maria Bernadett Carandang sa mga tao “who need help, if you feel na you’re not okay, if you feel like you just need a venue na may makakausap ka regularly o makakarinig ng experience ng ibang tao.”
“Especially this pandemic, it is important na kahit papano, may semblance of socializing. Find a place where you can connect.”
--
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.