EDITORYAL - Minsan pa: Utak pulbura
Naulit na naman ang nangyari noong isang taon. Lockdown din nang may mapatay dahil may lumabag sa quarantine rules. Ngayon, muling namayani ang may utak pulbura. Paulit-ulit na lang ang mga madudugong insidente.
Abril 21, 2020, binaril at napatay ng isang pulis na nagmamando sa quarantine check point ang dating sundalo na si Winston Ragos. Nangyari ang krimen sa Maligaya Drive, Bgy. Pasong Putik, Quezon City. Ayon kay Master Sergeant Daniel Florendo Jr., may baril daw si Ragos sa sling bag nito kaya niya binaril. Napag-alamang may stress disorder si Ragos.
Ngayon ay naulit na naman ang ganitong pangyayari. Noong Sabado ng gabi, isang palaboy na umano’y nanggugulo habang may curfew ang binaril ng isang barangay tanod sa Tayuman, St. Tondo, Manila. Ang biktima ay nakilalang si Eduardo Glenoga, 59, umano’y may problema sa pag-iisip. Isang tama ng bala sa katawan ang kanyang ikinamatay.
Naaresto na ang barangay tanod na si Cesar Panlaqui, taga Bgy. 156, Tondo. Ayon sa suspek, binaril niya si Glenoga dahil nanggugulo ito sa Tayuman St. Pinapalo umano nito ang mga gate ng mga bahay. Sinaway daw niya pero hinabol siya nito kaya binaril niya. Nakunan ng CCTV ang pagbaril ng tanod sa palaboy. Nakuha sa biktima ang toy gun.
Ayon sa mga pulis, isang revolver na walang serial number ang ginamit ng tanod sa pamamaril. Nang tanungin ito kung bakit may baril, pangdepensa lang daw sa sarili. Tatakutin lang daw sana niya ang curfew violator.
Nabahiran na naman ng dugo ang pagpapatupad ng curfew sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ). Bakit kailangang barilin ang curfew violator? Bakit pagpatay agad ang solusyon gayung maaari namang pakiusapan? At bakit may baril ang tanod?
Sa ginawa ng tanod na si Panlaqui, hindi talaga uubrang bigyan ng baril ang mga tauhan ng barangay at mga civilian volunteers. Malaking problema ang kahaharapin. Noong Hunyo, sinabi ni President Duterte na balak niyang armasan ang anti-crime volunteers. Sabi ng Presidente, ipag-uutos daw niya sa PNP na bigyan ng baril ang mga kuwalipikadong sibilyan at nang makatulong sa pagpapatupad ng batas.
Nakakatakot ang kahihinatnan kapag itinuloy ng Presidente ang balak. At nangyari na nga nang barilin ng tanod ang curfew violator. Kapag may baril, lumalakas ang loob. Hindi talaga dapat bigyan ng baril ang civilian volunteer at mga tanod. Marami sa kanila ang may utak-pulbura.
- Latest