EDITORYAL - Mapanganib ang pekeng balita

Mabilis magpakalat ng balita ngayon sa pamamagitan ng social media. Isang pindot lang, parang apoy nang kakalat ang balita. Marami na agad makakabasa. Pero ang masama, ginagamit ang social media para magpakalat ng maling impormasyon. Peke. Huwad. Walang katotohanan. Ngayong may pan­demic, delikadong magpakalat ng pekeng balita sapagkat magdudulot ng pagkakagulo.

Ang pagdagsa nang maraming tao sa vaccination­ site sa Maynila, Las Piñas at Antipolo City noong Huwebes ay nangyari dahil sa kumalat na maling balita sa social media. Ayon sa balita, hindi raw ma­ka­kakuha ng ayuda ang mga hindi pa nababakunahan. Dahil dito nagdagsaan ang mga taong gustong magpabakuna. Nag-agawan sa pila. May nagtulakan. Nasira ang social distancing dahil marami ang gustong mauna sa pila. Maraming nagrereklamo dahil matagal na raw sila sa pila pero ang mga bagong dating ay nauna pa sa kanila.

Pinakamarami ang dumagsang tao sa Maynila. Dalawa ang vaccination sites sa Maynila – isa sa SM Manila at sa SM San Lazaro. Parang senaryo sa traslacion ng Poong Nazareno ang dami ng tao sa dalawang vaccination sites. At ang katwiran ng mga tao, kaya sila magpapabakuna ay para makatanggap ng ayuda.

Dagsa rin ang tao sa Las Piñas at sa Antipolo. Halos iisa ang kanilang dahilan kaya dumagsa sa vaccination site – para mabakunahan at makatanggap ng ayuda. Ipinaliwanag naman ng local government units (LGUs) ng tatlong lungsod na walang katotohanan ang balita. Lahat daw ay makakatanggap ng ayuda kahit walang bakuna.

Sabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na ipinatutugis na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nagpakalat ng fake news. Nagbabala siya sa nagpa­kalat ng maling balita na mananagot ang mga ito. Na­nawagan naman si Abalos sa mamamayan na mag­hintay sa abiso ng LGUs sa schedule ng vaccination.

Dahil sa rami ng mga taong dumagsa noong Huwebes, imposible na walang carrier ng kinatatakutang Delta variant. Dahil dikit-dikit, madaling naipapasa ang virus. Ayon sa Department of Health (DOH) limang segundo lamang at naipapasa na ang Delta variant. Hindi na nakapapagtataka kung tumaas ang kaso sa mga darating na araw.

Nararapat hulihin ng NBI ang mga taong nagpakalat ng pekeng balita. Kailangang may masampolan­ para hindi na maulit ang pagkakalat ng pekeng balita. Mapanganib ang mga taong ito na walang ibang hangarin kundi manira at manggulo.

Show comments