NAGPASIKLAB si NCRPO chief Maj. Gen. Vicente Danao at pinaharabas niya ang sugal-lupa sa Caloocan City. Maraming nasakote ang RSOG ng NCRPO at sinibak ni Danao ang mga hepe ng tinamaang PCP. Kung maraming sinibak na PCP commander, bakit andiyan pa bilang Caloocan City police chief si Col. Samuel Mina? ‘Di ba may SOP ang PNP na kapag tatlong PCP ang nahulihan ng illegal gambling ay sibak din ang station commander? Hak hak hak!
Si Danao lang ang may kasagutan sa tanong na ‘yan, ‘di ba mga kosa? Isinagawa ang raid sa Caloocan matapos magsara ang jueteng ni Boss M, ‘di ba NCPRO intelligence chief Col. Hansel Marantan Sir?
Sa totoo lang, maliban sa Caloocan City at Valenzuela City, nais sana ni Boss M na mag-expand ng operation sa Malabon City at nakausap na nila si retired cop Cris Cristobal subalit naudlot dahil sa kautusan ni Danao. Araguuuyyyyyy!
Kaya mula Martes ng hapon, hindi na nakapagbola ng extra ang jueteng ni Boss M, ‘di ba Col. Marantan Sir? Dipugaaaaaa!
Epektib din itong ginawa ni Danao na magpasara ng sugal-lupa sa Metro Manila dahil malaki ang maitutulong nito para maibaba ang kaso ng COVID-19, lalo na ang Delta variant. Kapag walang sugal kasi, ang mga Pinoy sa Metro ay stay at home lang dahil walang kubrador sa kalye para mangubra ng taya.
Kaya lang, dapat magpamudmod agad ng ayuda ang gobyerno ni President Digong dahil kapag walang pitsa itong mga kababayan natin baka mapilitan silang lumabas ng bahay para maghanap ng pagkakitaan at magkaroon ng pambili ng pagkain. May kasabihan kasi tayo na “walang kilalaning batas ang mga taong gutom.” Mismooooo!
Ang kawawa sa sitwasyon na ito sa pagsasara ng sugal-lupa ay ang mga “isang kahig, isang tuka” na mga Pinoy! Tiyak ‘yun! Dipugaaaaaa!
Subalit maaga pa para palakpakan ang pagpapasara ni Danao ng sugal-lupa dahil hindi sinusunod ni Madam X o Tita ang kautusan niya. Si Tita ay may pa-lotteng sa Paranaque at ang management niya ay si alyas Joy, na nagkataon na management din ng STL ng Four Aces Resources Mgmt. Corp.
Ang ibig kong sabihin, ang mga kubrador ng lotteng ni Tita ay may isyung ID ng PCSO kaya’t bulag, pipi at bingi sa operation n’ya si Col. Maximo Sebastian, ang hepe ng Paranaque police. Sampolan mo Gen. Danao itong lotteng ni Tita at tiyak madadagdagan ang pogi points mo sa pagka-PNP chief. Dipugaaaaa! Abangan!