Umaapaw ang stadium sa rami ng tao. Manonood sila sa isang kakaibang laban: ang nag-iisang boksingero na walang kalaban kundi ang kanyang sarili. Umakyat sa lona ang siraulong boksingero.
Kumakaway pa sa mga manonood na nagsisigawan ng mga salitang nangungutya sa kanyang kabaliwan. Tumunog ang bell – hudyat ng simula ng laban. Lalo namang naghiyawan ang mga manonood na umaasa sa mga kagaguhang gagawin ng ulol na boksingero.
“In this corner, wearing a red, white, blue and yellow trunk...Fighting Deedee Ess! Ipinakilala ng ring announcer ang boksingero. Nagpatuloy siya “and in the same corner, wearing the same trunk, Kid Deela Juan!”
Nagsimula ang laban. Parang gagong paikut-ikot siyang sumasayaw sa loob ng ring, sinusukat ang sariling kakayahan. Sa unang oportunidad, isang malakas na bigwas ang pinakawalan ng boksingero sa sarili niyang panga.
Sobrang nasaktan, nagpakawala uli ng matinding suntok sa kabilang panga. Nakipagpalitan nang malalakas na suntok ang buwang sa kanyang sarili. Aliw na aliw at nagsisigawan ang audience sa komedyang pinanonood nila.
Isang simbilis ng kidlat na upper cut ang ubod lakas na ibinigay ng boksingero sa kanyang baba. Tumba! Binilangan siya ng mandatory 8 counts ng referee, susuray-suray na nakabangon ngunit idineklara ng referee ang laban na technical knockout.
“Ang nanalo ay.....ang audience!” Ang pahayag ng referee. Ang mga manonood ay kumakatawan sa world community of nations at ang gagong boksingero ay tayong mga Pilipino.=