EDITORYAL - Nasaan na ang mga salot?
Sa huling State of the Nation Addres (SONA) ni President Duterte noong Hulyo 26, Natuon ang kanyang talumpati sa illegal drugs na karamihan ay nasabi na rin niya sa mga nakaraan niyang ulat sa bayan noong 2016 na nagsisimula siyang manungkulan. Ipinangako niya noon na sa loob ng anim na buwan, wawakasan niya ang problema sa ilegal na droga.
Pero matatapos na niya ang termino sa susunod na taon, walang nababanaag na pagwawakas ng ilegal na droga sa bansa at lumala pa nga sapagkat patuloy ang pagdagsa ng shabu na idinadaan pa sa mga port ng bansa. Walang anumang nakakalusot sa Customs dahil sa mga corrupt na empleyado at opisyal doon.
Muling inulit ng Presidente ang masamang epekto ng droga sa pamilya. Sabi niya, “I’ve been asked the question and several times I gave the answer. I am a Filipino and I love my country. I do not want my country in disarray because of drugs. I do not want families break up and become dysfunctional. Iyon ang masakit sa akin.”
Mariing sinabi ng Presidente na galit siya sa mga nagpapakalat ng droga. Nagbanta siyang papatayin ang mga sumisira sa mga kabataan. Hindi raw niya hahayaang sirain ng droga ang mamamayan.
Noong 2016 naglabas ang Malacanang nang mahabang listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga sa bansa. Kasama sa mga ito ang mga pulitiko at police officials. Kabilang sa mga nasa drug matrix ang siyam na police generals.
Ang tanong ay nasaan na ang mahabang listahan ng mga sangkot sa illegal drugs? Nasaan na ang siyam na heneral na sangkot sa drugs. Nasaan na rin ang mga Tsinoy na sangkot sa droga? Nasaan na ang mga mayor na drug traffickers.
Sa isang taon ay bababa na si Duterte sa puwesto. Iiwan niya na hindi natupad ang pangakong paglipol sa drug traffickers. Aalis siya na narito pa rin ang mga salot na binantaan niya anim na taon na ang nakararaan. Nakakalungkot na narito pa rin ang problemang droga at banta sa kinabukasan ng mga kabataan.
- Latest