Karamihan sa mga nagkakasingaw ay kababaihan mula 16 hanggang 25-anyos. Kapag lumampas na sa 55-anyos, bihira na ang nagkakasingaw.
Hindi pa tiyak kung ano ang sanhi ng singaw. Kadalasan, nag-uumpisa ang singaw sa isang sugat sa bibig. Puwedeng dahil sa matalas ang ngipin, may dental braces, matitigas na pagkain, nakagat ang labi, at iba pa.
May nagsasabi na kulang sa vitamin B at zinc. Posible ring may kaugnayan sa stress, pagkapuyat at maraming trabaho.
Narito ang mga payo para maiwasang magkasingaw:
1. Umiwas sa maaasim at maaalat. Hindi gamot sa singaw ang calamansi, tawas at asin. Lalong lalala ang singaw. Umiwas din sa maaanghang at spicy na pagkain.
2. Umiwas sa matitigas na pagkain tulad ng banana chips, potato chips, at iba pa.
3. Piliin ang malambot na pagkain tulad ng lugaw para hindi masugatan ang singaw. Okay din ang pakwan.
4. Ang pagkain ng Yogurt dalawang beses maghapon ay nakapagtatapal sa sugat ng mga singaw. Kahit nasaan pa ang singaw mo, sa bibig, dila o lalamunan, matatapalan ng Yogurt at mababawasan ang sakit.
5. Bumili ng Solcoseryl Dental Ointment. Ipahid ito ng 3-5 beses sa lahat ng singaw. Nang nasubukan ko ito, ang laking ginhawa.
6. Kumunsulta sa dentista. Kung matalas ang iyong ngipin at madalas magsugat ang gilagid, patingnan sa dentista para ayusin ito.
7. Subukang magpalit ng toothpaste. May ibang toothpaste na may halong sangkap na posibleng magdulot ng singaw.
8. Gumamit ng mouthwash. Ayon sa isang pag-aaral, baka makatulong din ang paggamit ng mouthwash. Napapatay nito ang mga bacteria at mikrobyo sa bibig.
9. Magpahinga at matulog ng sapat.
10. Uminom ng multivitamins na may vitamin B at zinc. Wala namang masama sa pag-inom ng vitamins.
11. Kung may kasamang sore throat o tonsils, puwedeng uminom ng antibiotics, tulad ng Amoxicillin 500 mg 3 beses sa maghapon sa loob ng 5-7 araw.
12. Kung pabalik-balik ang singaw at napakarami nito, magpa-check up sa doktor. Posibleng sintomas lang ang singaw ng iba pang sakit.