EDITORYAL - Basura, dahilan ng baha sa MM
Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na ang nagsabi na kaya bumabaha sa Metro Manila ay dahil sa basura. Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, dahil sa dami ng basura, nahihirapan ang pumping stations kaya mabagal ang pagliit ng baha. Kahit pa raw 66 ang pumping stations sa Metro Manila, hindi makaya dahil sa sobrang dami ng basura.
Taun-taon, baha ang problema sa Metro Manila. Karaniwang tanawin na lamang ang lubog na kalye na hindi madaanan ng mga sasakyan. Hindi na nabago ang senaryo na umaapaw ang mga ilog at estero. Kapag umapaw, mga bahay na ang babahain. Mas matindi ang mga nasa malapit sa ilog o sapa, pati ikalawang palapag ng kanilang bahay ay inaabot na rin. Kaya maraming umaakyat sa bubong ng mga bahay. Para silang mga daga na nasukol ng tubig.
Nakakadismaya na pabalik-balik ang problemang baha. At nakakainis na gumastos ang pamahalaan ng bilyong piso para sa flood control program pero balewala rin dahil patuloy din ang pagbaha at lu-mala pa nga. Ang mga ginawang drainages ay hindi rin umubra sapagkat nababarahan din ng basura. Hindi lang pangkaraniwang basura ang nakabara kundi mga plastic na hindi nabubulok. Karaniwang plastic sando bags, sache ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng instant noodles, plastic shopping bags at iba pang basurang non-biodegradable.
Maraming estero ang hindi na gumagalaw ang tubig dahil sa dami ng basura. Kadalasang ang mga informal settlers na nasa pampang ng estero ang nagtatapon ng mga basurang plastic. Naging maluwang na basurahan ang mga estero. Tapon lang sila nang tapon dito.
Sabi ng MMDA, dapat maghigpit sa mamamayan sa pagtatapon ng kanilang basura. Kailangan daw magkaroon ng disiplina ang lahat. Dapat naman talaga para maisaayos ang pagtatapon ng basura. Maraming ipinapatupad na ordinansa ang LGUs ukol sa maayos na pagtatapon ng basura pero hanggang simula lang. Ningas-kugon.
Kailangan ang barangay ang manguna para maging maayos ang pagtatapon ng basura at nang hindi na humahantong ang mga ito sa estero o ilog at sa dagat. Maglabas ng ordinansa ang LGUs na ang mga barangay kapitan ang mamamahala sa maaayos na disposal ng basura. Sila rin ang magbabantay para walang magtapon ng basura sa mga ilog o estero. Kapag may lumabag, ang mga barangay kapitan ang mananagot.
- Latest