Face masks panangga sa virus, pampatatag pa sa resistensiya

Nagpi-face mask tayo para iwas-kalat ng SARS-CoV-2. Pero nabatid sa maraming nakakagulat na kaso: kung maimpekta man ang naka-mask, mas malamang na mild lang kaysa malala. Sinaliksik ng U.S. National Institutes of Health ang dahilan. At ang sagot pala ay nasa halumigmig (humidity), resistensiya (immunity), at uhog (mucus), ulat ng Economist.

Alam natin na nababawasan ng masks ang mga nakakahawang butil na sumusuot sa ilong at bibig. Pero hindi ‘yon ang sanhi ng malala na impeksiyon, kundi ang lalim ng pasok sa baga natin. Nasasala ng epektibong facemasks ang maliliit na talsik (aerosols) na dala ang virus.

May kakambal pang rason, anang Economist. Isa sa mga unang panangga ng katawan ang uhog. Nadidikit sa uhog sa ilong at tubo ng baga ang mga mikrobyo­. Tinutulak ng buhok sa ilong ang uhog patungong lala­munan. Mula roon nalulunon ito at nilulusaw ng asido sa tiyan ang mga “manlulusob”. Kaya mahalaga na mamasa-masa ang loob ng ilong, tutsang at lalamunan. Mas mahalumigmig, mas basa sila; mas malamig, tulad­ ng tag-ulan o winter, mas tuyo, kaya marami ang tinatrangkaso. Mas hirap manatiling matubig ang katawan sa lamig.

Pakiwari ng mga nagsaliksik na nakakatulong ang face masks panatilihin ang pagka-masamasa. Anila, habang bumubuga ng hangin, nagiging tubig ito na naiipon sa loob ng face mask. Pag huminga naman, nata­tangay ng tuyong hangin ang moisture sa face mask pabalik sa tubo ng baga. Dagdag ito sa resistensiya ng tao, anang mga nagsaliksik.

Para patunayan ang teyorya, tinesting ang face masks sa iba’t ibang temperatura: 37º, 22º at 8º centi­grade. Bumuga sila ng hangin sa selyadong kahon at, gamit ang mga instrumento, hinambing ang halumigmig sa tubo ng baga. Nakita na, bagama’t lahat ng face masks ay nakakataas ng umido, pinakamahusay ang gawa sa makapal na cotton.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments