Ang mga pwede at bawal gawin ngayong Ghost Month

Sasapit ang Ghost Month ngayong taon mula Agosto 8 hanggang Setyembre 6. Gaganapin ang Chinese Ghost Festival sa Agosto 22 (ang pang-labinlimang araw ng naturang buwan), para gunitain ang mga namayapang kaluluwa na hindi matahi-tahimik.
Aidan Roof via Pexels

Naniniwala rin ba kayo sa Ghost Month? Sa mga hindi pa gaanong pamilyar sa paniniwalang ito ng mga sinaunang Tsino, ito ang pangwalong buwan sa lunar calendar kung kailan daw nakakawala ang mga kaluluwa mula sa kanilang pagkakakulong sa impiyerno. Isang beses kada taon daw silang nakakalabas para gumala sa mundo ng mga tao at maghanap ng “makakain.”

Dahil dito, marami siguro sa inyo ang nangangamba ‘pag sasapit na ang Ghost Month. Ngunit sa aming panayam sa Feng Shui expert na si Master Ang para sa aming “Pamilya Talk,” napag-alaman naming hindi naman ito puro kamalasan.

“Mas maraming nagkakasakit at ‘di magandang nangyayari tuwing Ghost Month. Ang paniniwala namin—binubuksan ang mga pinto ng impiyerno sa panahong ito kaya panandaliang nakakalabas ang mga ghost. Sila’y mga gutom at naghahanap ng pagkain. Habang naghahanap ng pagkain, may tendency na gumawa sila ng mga gulo at bubulungan ka. Di naman ibig sabihin na may magaganap na lagim. Ang intensyon ng mga ghost ay para guluhin ang utak mo para gumawa ka ng mga bagay na ‘di kanais-nais na hindi mo naman talaga normal na ginagawa,” paliwanag ni Master Ang.

Sasapit ang Ghost Month ngayong taon mula Agosto 8 hanggang Setyembre 6. Gaganapin naman ang Chinese Ghost Festival sa Agosto 22 (ang pang-labinlimang araw ng naturang buwan), para gunitain ang mga namayapang kaluluwa na hindi matahi-tahimik.

Ngayong darating na Ghost Month, paniniwala ng mga Tsino na sadyang lalapitan ng negatibong enerhiya ang mga taong isinilang ng Year of the Goat (1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015).

Paliwanag ni Master Ang, “Sila yung kaaway ng Ox. Ang Ox at ang Goat, mortal enemies. May tendency na ‘pag Ghost Month, sila ang maapektuhan. Kaya ang Goat, talagang dapat mag-ingat. Parang sinasabing pinaka hindi sila masuwerte ngayong taon.”

Iginiit naman ng sikat na dalubhasa na wala naman daw dapat masyadong ikatakot, basta’t armado lang ng panalangin at pag-iingat.

Narito ang ilan pang tips ng mga pwede at di pwedeng gawin ngayong Ghost Month.

Laging magdasal

Ibayong pagdarasal daw ang pinakamalakas na panlaban sa mga masasamang espiritu, sabi ni Master Ang. Likas raw kasi nilang didikitan ang mga taong maiitim ang budhi at mabibigat ang konsensya. Kaya naman daw, “Kontrolin mo sarili mo. Kailangang maging mabait ka. Iwasan ang gulo at ang pagiging mainitin ang ulo. Higit sa lahat, magdasal ka, maging palasimba ka. Malaki ang naitutulong ng dasal.”

Manatiling positibo 

Idiniin ni Master Ang ang kahalagahan ng pagiging positibo sa buhay—gawin daw itong lifestyle! “Hindi naman porket pumasok ang Ghost Month, mamamatay na tayo. Ang intensyon ng mga ghost ay manggulo lamang,” paglilinaw nya. “May mga tao na kahit hindi Ghost Month, ang negative. Ang nakikita ay puro pangit. Lahat ng iniisip nya sa tao, may gagawing masama sa kanya. Kung ikaw ay maging madasalin, alam mo sa sarili mo na di makukuha ng bulong at ‘di ka makaka-attract ng negative vibes.”

Mag-doble ingat

Mainam maging maingat ngayong Ghost Month, kung kailan daw maraming "nagbubulungan" sa paligid para maghasik ng lagim. Dagdag ni Master Ang, “Bawal umuwi nang late. And mga bahay natin ay protektahan. Alam mo naman ngayon mahirap ang buhay, maraming nangyayaring ‘di maganda. Kailangang protektahan ang mga tao sa bahay.”

Wag munang mag-swimming!

Delikado raw lumangoy-langoy sa dagat pati na rin sa mga swimming pool, dahil na rin sa paniniwalang sa tubig nag-aabang ang mga kaluluwa. Dito raw sila naghihintay ng pagkakataong manglunod ng mga nabubuhay at makipagpalit-pwesto para sa kanilang pinanggalingang lugar sa impiyerno. Sabi nga sa ‘tin, may mga bagay na ‘di natin maipaliwanag.   “Alam mo yung saang level lang ng tubig ang kaya mo, pero sa hindi maipaliwanag, lumusob ka sa pinakailalim. Akala mo, kaya mo. Hindi natin alam na pupulikatin na pala tayo sa tubig. Kaya ‘pag nag-swimming, ibanat nang konti ang paa natin. Mag-konting exercise.” Mag-ingat din daw tayo sa ating mga banyo. “‘Pag pumapasok sa banyo, tignan nyo ang slippers ninyo kasi baka tayo’y madulas,” babala ni Master Ang.

Iwasan ang dilim

Likas daw sa mga kaluluwang magtago sa mga madidilim na lugar. Kaya naman, sabi ni Master Ang, panataliing maaliwalas ang kapaligiran pati na rin ang ating kasuotan. “Sabi nga, pinapapalaya ng impiyerno ang mga ghosts isang beses kada taon. Ang pinupuntahan nila ay dark places. Bago magsara ang pinto ng impiyerno, ‘yang mga ghosts babalik. Ang mga iba, ‘di na bumabalik kasi nagustuhan na nila ang mga place na napuntahan nila. Kaya dun na sila nagtatago.” Pagdating sa ‘ting mga #OOTD, suhestyon ni Master Ang na wag munang magsuot ng kulay itim. “Kahit yung dark blue, kino-consider namin dahil nagmumukhang black. Gusto namin ng bright colors: Red, white, green, wag lang itim.”

Gawin ang ritwal pangontra sa negative vibes pag naglilipat-bahay 

Maraming nag-iisip na bawal munang tumuloy sa bagong tirahan pagsapit ng Ghost Month. Kung hindi naman daw ito maiiwasan, inirerekomenda ni Master Ang ang isang simpleng ritwal. “Mag-alay ng pagkain—maghanda ka ng anim na inumin, anim na ulam, at dalawang rice. Mag-insenso ka sa labas ng bahay. Para kang nagpapaalam (sa mga kaluluwa).” Hintayin daw munang lumipas ang isang araw bago pumasok sa bagong bahay, dagdag ng eksperto.

Mag-ipon ng asin

Isa sa pinapahalagahan ng kulturang Instik ang kanilang asin, kaya nga kasama ito sa kanilang “five flavors.” Bukod sa pambugaw ng mga masasamang espiritu, nakatutulong din itong manghatak ng good karma. Kaya naman sabi ni Master Ang, dapat lagi tayong may asin saan man tayo pumunta. “Maglagay kayo ng asin na naka-pouch sa bag ninyo, maraming maitutulong yang asin. Sa bahay, ilagay ito sa baso at ipwesto sa gilid ng pinto sa may entrance para walang pumasok na negative vibes.  Kahit di kayo bumibili ng lucky charm.” Suhestyon ni Master Ang na palitan lagi ang ating asin, “Ang ginagawa ng iba, after one month kukunin at gagamiting panluto. ‘Di po pwede ito dahil andun lahat ng klase ng negative na sinisipsip. Para siyang cotton.”

Wag panghinaan ng loob

Panandalian lamang ang lahat ng ito. Kaya relaks lang daw! “Hindi ibig sabihin na mahihinto na ang buhay. Hindi ibig sabihin na sumpa ang August. Basta alam mo sa sarili mo na malinis ka at ginagawa mo ang tama, kung may gusto ka sa buhay, ituloy mo lamg. Ang sa akin ay kung makakaiwas lang (sa malas),” aniya. Bukod sa pagiging mabait at madasalin ngayong darating na buwan, mainam din daw maging wais lalo na sa mga desisyong may kinalaman sa ‘ting kalusugan. Kaya naman, sa mga nagtatanong kung okey lang bang magpabakuna ngayong Ghost Month, sagot ni Master Ang: “Puwedeng magpa-vaccine kahit Ghost Month. Sana magpa-vaccine na tayo para matapos na ang COVID-19 na to. Para mabuksan na ang ecomony natin. Para makapagsimula na tayo ulit at makabangon na tayo.”
 

---

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter, and Kumu.

Show comments