EDITORYAL - Pagbabakuna at pangangampanya

Apat na buwan pa bago ang simula ng pagpa-file ng kandidatura para sa mga tatakbo sa 2022 elections pero ngayon pa lamang, marami nang nangangampanya. At makikita ang mga ito sa vac­cination sites sa maraming bahagi ng bansa. Magandang lugar ang kanilang napili para maagang maipakilala ang sarili sa mga tao.

Dahil sa dami ng mga nagpapabakuna, libreng-libre ang mga pulitiko para maibando ang kanilang mukha na nasa tarpaulin at posters. Nakasabit sa paligid ng gym o school building ang mga tarpaulin kung saan nakapila ang mga nagpapabakuna. Kahit­ saan lumingon, ang nagdudumilat na mukha at pangalan ng pulitiko ang makikita.

Hindi lamang ang mga tarpaulin at posters ng pulitiko ang nakasabit at nakadikit kundi marami na ring pamaypay, ballpen at lapis na may pangalan ng pulitiko ang pinamamahagi. Mayroon na ring nagsisilbi ng lugaw at taho na libreng ibinibigay sa mga nagpapabakuna. Ang taho at lugaw ay nasa cup na may pangalan ng pulitiko.

Malinaw na malinaw na premature campaigning ang nangyayari ngayon. At lalo pang titindi ang ma­agang pangangampanya ngayong masidhi ang pagbabakunang isinasagawa sa buong bansa. Dumadagsa ang mga tao para mabakunahan para may proteksiyon sa COVID Delta variant. Patuloy naman ang pagdating ng mga bakuna kaya walang patlang ang dating ng mga tao sa vaccination sites.

Sa nangyayaring premature campaigning, wala namang ginagawag aksiyon ang Commission on Elections (Comelec). Nararapat gumawa sila ng hak­bang para mahinto ang lantarang pangangam­panya. Bumisita ang Comelec officials sa mga vac­cination sites para makita ang ginagawang premature campaigning. Huwag silang matulog sa pan­sitan.

Dapat din namang gumawa ng hakbang ang DOH at IATF para hindi mahaluan ng pamumulitika ang isinasagawang vaccination program. Ang DOH na mismo ang magbaklas sa illegal campaign posters na nakabandera sa vaccination sites. Maghig­pit sa pagpapasok ng mga tao para hindi masingitan ng mga magkakabit ng tarpaulin, posters at iba pang campaign materials.

Show comments