Ilang linggo na ang nakararaan, naglabas ng report ang World Bank ukol sa anila’y kahinaan ng mga Pilipinong estudyante sa mga subject na Science, Math at Reading. Ayon sa WB, 80 percent ng mga Pilipinong estudyante ay hindi nakaaabot sa minimum proficiency level.
Ayon sa report, nakita ang kahinaan ng mga Pilipinong estudyante sa mga isinagawang assessments noong 2018 at 2019. Naki-participate ang Pilipinas sa Program for International Student (PISA) noong 2018 at sa Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) noong 2019. Sumali rin ang bansa sa first cycle ng Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) noong 2019.
Sinabi pa ng WB na may krisis sa edukasyon sa Pilipinas bago pa magsimula ang coronavirus disease noong 2019 at lumala ito habang nananalasa ang pandemya. Sinabi pa sa report na 10 hanggang 22 percent lamang ng mga estudyante sa Grade 4, 5, at 9 ang naka-score ng above minimum proficiency.
Ang report ay hindi nagustuhan ng Department of Education (DepEd). Sabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, hindi dapat naglalabas ng ganitong report ang WB at nararapat na kunsultahin muna ang kagawaran. Wala umanong katotohanan ang report. Sabi ni Briones, nararapat humingi ng apology ang WB sa inihayag na maling ulat.
Kamakalawa, humingi na ng paumanhin ang WB sa nalathalang report. Tinanggap naman ng DepEd ang apology. Maski si President Duterte ay tinanggap na rin ang paghingi ng paumanhin ng WB.
Totoong nakakasakit ng damdamin at nakakahiya kung ipagladlaran ang kahinaan ng mga estudyanteng Pinoy sa buong mundo. At siyempre, aaray ang DepEd sa walang katotohanang report. Dapat talagang ipaalam muna sa DepEd bago ilathala ang report.
Subalit dapat din namang gumawa ng hakbang ang DepEd para mapagbuti pa ang kalidad ng edukasyon. Silipin at baka naman may pinagbabasehan ang report ng WB.
Baka mayroon pang dapat i-improved sa pagtuturo ng Science, Math at Reading gaya nang binanggit sa WB report. Kung may problema sa mga asignaturang nabanggit, bakit hindi mag-hire ng mga ekspertong guro. Makakaya naman ng DepEd na mag-hire ng mga mahuhusay na guro dahil sila ang departamentong may pinakamalaking budget. Tutukan din ang textbooks at modules na maraming mali at may malalaswang nilalaman o mga salita.
Baka puwedeng buksan ng DepEd ang kanilang mga mata sa isyung ito.