Napapansin n’yo ba mga Boss, wala pang pulitiko na nagdedeklara na sila’y tatakbo bilang Presidente, Bise Presidente o senador.
May nagpaparinig, nagpapahaging, nagpapabebe o nagpapakiyeme. Mga pahiwatig na interesado, posible, depende, puwede pero walang deklarasyon na “oo, tatakbo ako.”
Ang maririnig mong maingay ay ‘yung kanilang mga chuwari-wariwap na kaalyado o spokesperson at hindi mismo sa bibig ng pulitikong tatakbo.
Bakit nga ba? Tila naghihintayan sila, nagbabantayan at nagpapakiramdaman. Tatlong buwan na lamang ay filing na ng kandidatura, medyo atrasado na sa preparasyon ang ating mga pulitiko.
Eto ang mga posibleng dahilan: Walang katiyakan – maaaring sila’y nag-aalangan na kapag nagdeklara ng kandidatura ng maaga ay kukuyugin ka. Oo nga naman, hindi ka pa nag-uumpisa’y gigibain ka na.
Walang partido na susuporta – aba’y kung hindi ka personalidad o hindi ka masyadong kilala, sorry ka.
Walang plataporma – kung meron man kasing nakahanda na, dapat nailatag na nila. Platapormang pakikinggan ng taumbayan, paniniwalaan ng publiko’t makakamtan ng mga Pilipino.
Walang pondo at makinarya – importante ito lalo na’t national position ang target mo. Malaking katanungan kung saan ka kukuha ng pondo at sino ang mga supporters mo.
At isyung continuity o change. Itutuloy o babaguhin nga ba ang sistema ng kasalukuyang administrasyon. Sino sa kanila ang magsasabing “conitune” at sino ang magsasabing “change.”
Sinong may sabi ng lahat ng ito? Aba’y ‘yung barbero kong si Mang Igme na ang kliyente sa home service ay mga kilalang mambabatas at pulitiko.