Uri ng headache at tamang gagawin; Ba’t kumukulo ang tiyan ‘pag gutom
1. Tension headache - Pakiramdam na parang may headband sa noo at mahigpit o masikip sa noo at likod ng ulo. Kapag hinawakan ang balat, masakit sa anit, leeg o balikat dahil sa stress, galit, pag-aalala, lungkot at kaba.
2. Migraine headache – Minsan, masakit sa kalahating parte ng ulo, nahilo o parang nasusuka, sensitibo sa liwanag, ingay at parang pagod. Gayundin may “aura” o warning signs na para bang umiilaw o blank spots o iba’t ibang kulay ang nakikita.
3. Cluster headache - Ang sakit na pumupunta sa may mata, mukha, ulo, leeg at balikat. Sa isang parte lang nakararanas ng pagluluha at mapula ang mata, may sipon, at sobra ang sakit.
Kadalasan sumasakit din ang ulo ng mga bata at teenagers sa ilang kadahilan tulad ng stress sa eskwela, kaibigan at pamilya. Minsan, masakit ang ngipin, o may impeksyon sa tenga o lalamunan.
Rekomendasyon:
1. Kung migraine headache, iwasan ang mga triggers na pagkain, kumain ng regular tatlong beses sa 1 araw at uminom ng sapat na tubig.
2. Magkaroon ng sapat na tulog, huwag magpupuyat.
3. Kung mag-e-ehersisyo, piliin lamang ang kaya ng inyong katawan o iyong mga magagaan lamang.
4. Relaxation technique: magpamasahe, meditation, at ang pagligo ng maligamgam na tubig ay may tulong para mabawasan ang sakit ng ulo.
5. Cold compress para sa masakit na ulo. Warm compress sa masakit na muscle.
6. Iwasan ang sobrang mapagod, pati na ang sobrang lamig o init.
7. Kumunsulta sa Neurologist na doktor kung sobra ang sakit ng ulo, sobrang hilo, nagsusuka, walang balanse, may mataas na lagnat, at kung nawalan ng malay.
* * *
Bakit kumukulo ang tiyan kapag gutom?
Kapag maingay ang iyong tiyan, maraming kadahilanan ito. Una sa lahat, ang tunog na naririnig ay maaaring galing sa bituka o small intestines, at hindi sa tiyan. Ang masel ng bituka ay talagang humihilab at tumutunog. Ito’y para gumalaw ang likido at hangin sa loob ng ating tiyan.
Puwedeng kumulo ang tiyan kung gutom o kahit busog tayo. Normal na magkaroon ng tunog ang tiyan.
May mga pagkakataon na mas malakas ang tunog o pagkulo ng tiyan.
1. Kapag nagugutom tayo, humihilab ang sikmura at bituka para ilabas ang natitirang pagkain na kinain mo. Kapag nakakain ka na ay mas tatahimik ang iyong tiyan.
2. Kapag na-stress ka, puwedeng may paikot-ikot na sakit sa tiyan, kasama na ang paghilab ng bituka. Ito ang tinatawag sa Ingles na “butterflies in your stomach”.
3. Kapag nakakain ng panis o maruming tubig, puwedeng humilab ang tiyan bago magtae. Gastroenteritis o impeksiyon na nakuha sa maruming pagkain ang dahilan nito. Uminom nang maraming likido (tubig, sopas o lugaw) at kumain ng saging.
4. Kapag may ulcer o hyperacidity, sumasakit sa itaas ng tiyan sa lugar ng sikmura. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag ika’y gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ka ng saging o tinapay. Uminom din nang maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
5. May iba pang dahilan ang pagkulo ng tiyan tulad ng bulate, bato sa apdo (gallbladder stone) at kanser. Kumunsulta sa doktor.
6. Kahit gaano ka kasuwerte sa buhay, huwag na huwag mo sanang kalimutan ang Diyos na gumagabay sayo. God bless po.
- Latest