EDITORYAL - Ibangon ng DSWD ang kanilang imahe

MABIGAT ang akusasyong binitawan ni Sen. Manny Pacquiao noong Sabado bago umalis patungong United States para sa kanyang nalalapit na laban. Nag-iwan siya ng mga suntok – hindi lang basta suntok kundi bigwas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sinabi ni Pacquiao na P10.4 bilyong pondo ng Social Amelioration Program (SAP) ang nawawala. Sa nawawalang pondo, sinabi ng senador na 1.3 milyong benepisyaryo ang hindi nakatanggap ng ayuda na lubhang kailangan sa panahon ng pandemya. Sabi ni Pacquiao, nalulula siya sa laki ng nawalang pondo. Nagsalita si Pacquiao sa isang virtual conference.
Hindi lamang ang bilyong pondo ang isiniwalat ni Pacquiao kundi pati na rin ang paggamit ng Starpay e-wallet para maipamahagi ng SAP. Ayon kay Pacquiao, napasukan ng katiwalian ang pamamahagi ng ayuda. Mayroon daw inilaan na humigit-kumulang na P50 billion ang DSWD para sa isang hindi kilalang e-wallet na kung tawagin ay Starpay na ang paid-up capital lang ay P62,000. Pero nagtaka ang senador sapagkat sa 1.8 million na binigyan mula sa Starpay ay 500,000 lamang daw ang nabigyan ng ayuda. Bawal din daw i-withdraw ang ayuda kung walang app pero ang problema, marami ang hindi makapag-download nito. Nasaan na raw ang bilyong pondo?
Sabi naman ng DSWD, handa silang maimbestigahan sa mga alegasyon na iniharap sa kanila ni Pacquiao. Magpipresenta umano sila ng mga mahahalagang ebidensiya at dokumento na may kinalaman sa mga inilahad ng senador. Ayon pa sa DSWD, dumalo sila sa maraming Congressional hearings para sa implementasyon ng SAP.
Marami naman ang nagtataka kung bakit ngayon lang nagsalita ukol sa korapsiyon si Pacquiao at kung kailan pa malapit na ang election. Marami ang nagsasabing namumulitika lang siya at umaakit ng pansin sa publiko.
Anuman ang pakay ni Pacquiao sa paglalantad ng ayon sa kanya’y korapsiyon sa DSWD, dapat na mailantad din agad ng ahensiya ang mga katibayan na nagpapabulaan sa mga sinabi ng senador. Sanggahin agad ang mga suntok ni Pacquiao para mapanatili ang malinis na imahe sa publiko. Kung mananahimik maaaring isipin na totoo ang lahat kaya marami ang hindi nakatanggap ng SAP.
- Latest