Kamakailan, nag-viral sa social media ang video nang binabakunahang residente sa Makati na hindi nadiinan ng vaccinator ang syringe kaya walang naiturok na bakuna. Nakunan ng video ang pangyayari. Humingi naman ng paumanhin ang Makati LGU sa nangyari. Nabakunahan na rin ang residente.
Sumunod na araw, may kaparehong nangyari rin sa Mandaluyong na hindi rin napisil ang heringgilya. At makalipas ang ilang araw, nagkaroon din ng ganuong insidente sa Las Pinas City.
Dahil sa sunud-sunod na pangyayari ukol sa bakuna, marami tuloy sa mga nabakunahan na ang biglang nag-isip kung mayroon nga bang naiturok sa kanila o wala. Ayon sa mga nabakunahan, hindi naman sila nakatingin habang tinutusok ng karayom kaya hindi sila sigurado kung may laman ang heringgilya.
Ang iba naman ay nagsabing may naibakuna sa kanila sapagkat masakit ang bahaging tinusok ng karayom na ang ibig sabihin may pumasok sa kanilang kalamnan.
Sabi ng Department of Health (DOH), isolated ang mga nangyari. Sobra na raw dami ng mga ginagawa ng medical frontliners kaya may nagagawang pagkakamali. Dapat daw unawain ang mga ito sapagkat hindi biro ang binabakunahan sa loob ng isang araw. Napapagod din daw ang health workers na ang iba ay nag-volunteer lamang para makatulong sa pagbabakuna.
Ang hindi magandang isyu sa bakuna ngayon ay ang pagkakadakip sa isang nurse sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Maynila na dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagbebenta ng Sinovac. Bukod sa nurse, dalawang iba pa ang nadakip sa isinagawang entrapment operation sa Amoranto, Quezon City noong nakaraang Huwebes. Ibinebenta umano ang bakuna sa halagang P4,000.
Hindi maganda ang nangyaring ito kaya magmatyag ang DOH. Hindi maiiwasang isipin ng mamamayan na kaya hindi pinipisil ang syringe ay dahil ibinebenta ang laman na bakuna. Halukayin ang isyung pagnanakaw ng bakuna at baka matagal na itong ginagawa. Ireport ng mamamayan ang ganitong modus. Huwag pumatol sapagkat libre ang bakuna. Hindi kailangang bumili.