Mining vs jueteng sa Caloocan sa 2022 elections?

Ngiting-aso ang mga alipores ni Caloocan City Rep. Egay Erice habang patuloy na nag-ooperate ang jueteng ni Renel sa siyudad. Kasi nga mga kosa, malapit na ang 2022 elections kaya’t kapag nagkataon, maaring gamitin ng kampo ni Erice na isyu ang jueteng ni Renel. Open secret naman kasi ‘yan mga kosa na hindi makapag-operate ang jueteng ni Renel sa Caloocan kung walang basbas ni Mayor Oca Malapitan at ng kapulisan tulad ni NCRPO chief Maj. Gen. Vicente Danao Jr. ‘Ika nga, it takes two to tango, di ba Mayor Malapitan at Gen. Danao Sirs?

Bagyo talaga si Renel dahil kahit saan puwede siyang magbukas ng ilegal na negosyo at pikit-mata lang ang mga LGUs at PNP. Dipugaaaaa!

Kaya naman masaya ang kampo ni Erice dahil putok na sa Caloocan na aagawin niya ang trono ng siyudad sa mga Malapitan. Tatlong term na kasi si Mayor Malapitan at ang napipisil niya na papalit sa kanya ay si Rep. Dale Along Malapitan ng 1st District. At ang mahigpit niyang katunggali ay si Erice, na representante naman ng 2nd District.

Sa ngayon, naghahanap ng isyu ang kampo ni Erice para ibato sa pamilyang Malapitan sa darating na elections at ang jueteng ni Renel ang isa sa mga naisip nila. Ano sa tingin mo kosang Allan Encarnacion? Dipugaaaaa! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sinabi naman ni kosang Koi Hipolito Laura na maaring ang jueteng ni Renel ay kasama sa fund raising ng mga Malapitan para sa nalalapit na elections. Puwede, ‘di ba mga kosa?

Kapag nagkataon, babaha ng pitsa sa Caloocan dahil hindi naman papahuli itong si Erice na may negos­yong mining. ‘Ika nga, mining vs jueteng ang magiging labanan sa Caloocan sa 2022. Take ur pick mga kosa ko d’yan sa Caloocan, mining o jueteng? Aba, kapag lesser evil ang pipiliin ng taga-Caloocan, may tulog si Rep. Mala­pitan, ‘di ba mga kosa? Dipugaaaaaa!

Hindi lang ‘yan! Maari ring hatakin pababa ng jueteng ni Renel ang tsansa ng matandang Malapitan na tatakbo ring kapalit ng kanyang anak bilang representante ng 1st District. At ang makakalaban ng matandang Malapitan ay sina Vice Mayor Maca Asistio, Obet Samson at Councilor Mercado. Siyempre, ang panalangin ni Renel ay manalo ang batang Malapitan para tuluy-tuloy lang ang ilegal niyang negosyo. Dipugaaaaa! Abangan!

Show comments