EDITORYAL - Mapanganib armasan ang anti-crime volunteers

Magdudulot ng problema kapag natuloy ang balak ni President Duterte na armasan ang anti-crime volunteers. Hindi nararapat sapagkat ma­aring malagay sa panganib ang buhay ng mamamayan. Ibang usapan kapag inarmasan ang sibilyan.

Lumutang ang balak ng Presidente nang magsalita sa paglulunsad ng Philippine National Police’s Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy support groups noong nakaraang linggo. Sabi ng Presi­dente, ipag-uutos daw niya sa PNP na bigyan ng baril ang mga kuwalipikadong sibilyan para maka­tulong sa pagpapatupad ng batas at sa pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad.

Maganda ang hangarin ng Presidente kaya naisip na armasan ang anti-crime volunteers. Marami nga namang halang ang kaluluwa ngayon kaya nararapat na may armas na pangtanggol ang mga volun­teers sakaling malagay sa panganib ang buhay. Nag­lipana ngayon ang riding-in-tandem criminals at iba pang grupo na walang awa kung pumatay ma­tapos makapagnakaw.

Ganunman, hindi pa rin sapat ang mga ito para bigyan ng armas ang crime volunteers. Marami nang pangyayari na kapag nakahawak ng baril ang indi­biduwal ay nag-iiba na ang ugali. Lumalakas ang loob dahil mayroong baril sa baywang. Mayroon nang ipagmamalaki at ipagyayabang. Mas nag-iiba kapag nalasing.

Kung ang mga pulis na may karapatang humawak ng baril at dumaan sa training ay nagkakamali at pina­pasok ng “demonyo” ang utak at basta na lamang namamaril, ang mga volunteers pa kaya ang hindi? Kamakailan lang, isang pulis ang nag-amok sa MPD headquarters sa Maynila at isa ang napa­tay. Noong nakaraang buwan, isang lasing na pulis ang binaril ang kanyang kapitbahay na babae sa Fairview, Quezon City.

Huwag nang dagdagan ang problema na may ka­ugnayan sa krimen na nalikha dahil sa baril. Huwag armasan ang crime volunteers. Ipaubaya sa mga alagad ng batas ang pagharap sa mga kriminal.

Marami ang tutol sa balak na pag-aarmas sa mga civilian at nasa katwiran sila. Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, ang kailangan sa ngayon ay mahigpit na pagbabawal sa baril. Si Lacson ay dating PNP chief.

Magkakaroon ng problema kapag itinuloy ang balak na pag-aarmas sa anti-crime volunteers. Hindi ito solusyon para makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan, bagkus magpapagulo lang.

Show comments