^

PSN Opinyon

Benepisyo ng gatas at iba pang pagkaing pampalakas

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

Inirerekomenda na uminom ng isang baso ng gatas araw-araw, para sa bata at matanda. Ang gatas ay maha­lagang mapagkukunan ng Vitamin D at calcium.

1. Pampalakas ng buto. Humihina ang buto dahil sa maling posture at kakulangan sa masustansyang pagkain. Ang isang basong gatas ay naglalaman ng 113 mg calcium. Ito ay mahalaga para maiwasan ang pagkasira ng buto.

2. Mayaman sa bitamina at mineral. Ang gatas ay “superfood” na naglalaman ng mahahalagang bitamina at mineral na kailangan ng katawan. Ito ay may Vitamin B12, na kailangan ng utak. Ang gatas ay may Riboflavin para mapanatiling malakas ang katawan. Ito rin ay nagla­laman ng phosphorus, na makatutulong sa pag-aayos ng mga nasirang selula.

3. Mayaman sa protina. Ang 100 grams ng gatas ay nag­lalaman ng 3.2 grams ng protina. Ang protina ay tumutulong sa katawan para gumawa ng enzymes, palakasin at maghilom ang kalamnan, kasu-kasuan at balat. Ka­ila­ngan din ito para gumawa ng hormones sa katawan.

4. Nagpapakalma. Tumutulong pakalmahin ang isipan dahil sa taglay na potassium at magnesium. Ang isang basong maligamgam na gatas ay tumutulong na mapakalma ang katawan, masasakit na kalamnan at para mahimbing na makatulog.

5. Para maging malusog at maganda ang balat. Ang pag-inom ng isa hanggang dalawang baso ng gatas kada araw ay makatutulong para gumanda ang balat dahil sa sustansyang taglay.

6. Para sa sobrang magpawis. Ang sobrang pawis ay nakatatanggal ng electrolytes sa ating katawan gaya ng potassium at sodium. Nakatutulong ang gatas para muling maibalik ang mga nawalang sangkap. Ang calcium sa gatas ay makatutulong para mabawasan ang pagpa­pawis.

* * *

Iba pang pagkain na pampalakas

Kapag gustong mag-ehersisyo o magtrabaho nang mabigat, kailangan ng sapat na lakas. Makukuha ito sa pamamagitan ng tamang pagkain.

1. Saging – Napakaganda ng saging sa mga nag-eehersisyo dahil mayroon itong carbohydrates, vitamin B at potassium. Ang potassium ay kailangan sa normal na pagtibok ng puso at paggalaw ng masels.

2. Spaghetti – Nagbibigay ng lakas ang spaghetti dahil sa taglay nitong carbohydrates. Sa mga diabetic, mas mainam ang spaghetti kaysa sa kanin, dahil mas hindi tataas ang iyong asukal sa dugo.

3. Chocolate bar – Para sa kabataan, puwedeng kumain ng tsokolate dahil mayroon itong asukal, gatas at cocoa. Maituturing itong energy bar. Pero limitahan lang ang kakainin sa isang maliit na hiwa at baka tumaba.

4. Pakwan – Ang pakwan ay napakabisang natural energy drinks. Ang pakwan ay may 92% alkaline water na mabuti sa katawan. Punong-puno din ang pakwan ng vitamin B, potassium at electrolytes na kailangan ng taong laging pinapawisan. Maganda rin ang pakwan na panlaban sa heat stroke at init ng panahon.

5. Buko – Ang sabaw ng buko ay maraming electrolytes na maihahambing na sa suwero na ginagamit ng doktor. Ang laman ng buko ay may carbohydrates na nagpapalakas at nakabubusog din.

6. Nilagang itlog – Ang itlog ay siksik sa protina, vitamin B at vitamin D. May sangkap pa itong choline na kailangan ng ating utak. Limitahan lang ang pagkain sa 1 o 2 itlog sa maghapon.

7. Nilagang mani – Ang mani ay punumpuno ng protina, minerals at good fats na nagbibigay ng lakas. Mas masustansya ang nilagang mani kaysa sa pritong mani dahil wala itong mantika at mababa sa asin.

Dagdag payo para lumakas: Kumain ng mas madalas pero katamtaman lamang. Ito’y para makakuha tayo ng tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya mula sa pagkain. Sa umaga, kumain din ng masustansyang almusal para may lakas tayo.

Paalala: Huwag sosobrahan ang pagkain ng mga nabanggit dahil puwedeng tumaba. Tandaan lamang na kapag mayroong kinain, sasabayan ng ehersisyo para matunaw ito.

VITAMIN D

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with