Buhay pintor at padre de pamilya ni Jc Intal
Ikinagulat ng maraming local basketball fans ang pagreretiro ni JC Intal noong nakaraang Marso. Sa isang emosyonal na Instagram post, nagpasalamat si JC sa lahat ng tumulong sa kanya simula’t sapul. Labintatlong taon din siyang naglaro sa PBA. Bago nito, sumikat muna sya sa mga torneo bilang estudyante. Nakapag-uwi sya ng mga tropeyo para sa kanyang mga alma mater na Ateneo (kolehiyo) at Letran (hayskul).
Bakit nga ba tuluyan nang nagretiro ang sikat na sikat na si JC? Wari ng iba, retiring age na talaga sya sa edad na 37. Dahil sa mga nagsisipasukang mga mas bata at malakas kay JC, siguro’y naging “irrelevant” na nga raw sya. Sabi pa ng marami, naging busy na si JC sa kanyang pagpipinta. Si JC naman mismo, nagpakatotoo na rin at sinabi ngang tumatanda na sya at naghahanap ng bagong pagkakaabalahan. Inamin nya ito sa isang nakaaantig na video na sinulat at ginawa ng misis niyang si Bianca Gonzalez. Inilagay ng team ni Bianca ito sa Internet bilang tribute sa basketball career ni JC.
Pero sa panayam namin kay JC sa aming “Pamilya Talk” episode kamakailan, may mas malalim pa palang rason sa kanyang pagreretiro.
Kuwento ng ama ng dalawang chikiting, “I was in Clark, Pampanga for two months for the PBA Bubble. Yun yung first time na nahiwalay ako sa pamilya ko nang matagal. Yung panganay ko, medyo nakakaintindi na, nakaka-miss na siya. Kahit nag-vi-video call kami nun araw-araw, nung pag-uwi ko nun, talagang umiyak sya! Iba talaga! Yung bunso, umiyak din sya dahil umiyak yung ate niya.”
“Naiyak din ako nung time na yun. First time kong makita yung mga anak ko nang ganon.”
Tatay na tatay na talaga si JC. Matapos ang isang mahaba at makulay na career sa loob ng court, panahon na raw para tumutok sa tahanan—kasama ang pinakamamahal na si Bianca at ang kanilang anim at dalawang taong gulang na sina Lucia at Carmen.
Daan sa pagiging daddy
Kilala ko si JC bilang isang mahusay na manlalaro. Dahil kami’y mga Atenista rin, napapanood ko siya dati sa UAAP games kasama ang asawa kong si Nonong. Binansagan siyang “The Rocket” dahil na rin sa kanyang makapigil-hiningang dunks.
Dahil nga public personalities sila ni Bianca, unti-unting naipasilip ni JC sa masa ang kanyang pagiging isang family man. Nagkakilala sila sa isang game kung saan napanood ni Bianca si JC. Mahigit tatlong taon ding nag-date ang dalawang Atenista bago ikinasal. Kasama ang kanilang mga cute na anak at pati na rin ang mga aso, pitong taon na sila bilang pamilya. Maraming umiidolo kanila JC at Bianca at sa kanilang #relationshipgoals at #famgoals. Noong 2019 nga ay nag-renewal of vows pa ang dalawa sa beach kasama ang kanilang mga munting prinsesa!
“Girl dad” kung tawagin si JC. Pero nakatutuwang isiping sya mismo’y lumaki kasama ang mga brusko. Bukod sa Mommy Ning at bunso nilang babae, all boys sila sa bahay noon. Sa kanilang kakulitan, naging simbolo ng kaparusahan ang sinturon sa bahay ng mga Intal.
“Sa bahay, magulo nun. Yung bunso naming babae, di namin masyadong nakakasama sa kulitan at harutan. So, kaming mga lalaki, nagkakaroon ng suntukan. Nagkakaroon ng bullying,” kwento niya, sabay tawa.
Kaya noong siya na mismo ang naging magulang, medyo nangapa-ngapa pa raw si JC. Sa mga tanong na hindi nila mahanapan ng sagot ni Bianca, may mga pagkakataong nagpasaklolo pa raw siya kina Daddy Nars at Mommy Ning.
“Rookie dad” pa nga raw si JC hanggang ngayon kung tutuusin. Ngunit sa mga pinagdaanan nila ni Bianca, tila nakadiskubre na sila ng isang parenting style.
“Sakto lang ako as a dad. Di ako sobrang strict, di rin sobrang maluwag. Si Bianca, mas strict sa akin. Hindi lang talaga ako maka-no sa girls ko. Kapag Daddy, may gusto silang ipabili na laruan. Kapag comfort, sa nanay naman sila.”
Mukhang epektibo naman sina JC at Bianca dito sapagkat lumalaking mababait ang kanilang bagets.
Kwento pa ng atleta, “Ang importante ay na-ga-guide namin sila. Kami sa bahay noon, lumaki kaming rumerespeto sa matatanda. Mahilig sa ‘po’ at ‘opo.’ Mahilig naman ang mga anak ko sa yakap at kiss (bilang love language). Kahit sa mga kasambahay namin, gusto kong maging magalang din sila. Kung nagiging masungit sila, pinagsasabihan ko ang mga yan.”
Buhay-pamilya sa gitna ng pandemya
Bago lang si JC sa art. Nakakahiligan niya ngayon ang abstractionism. Nagsilbing malaking impluwensya ang contemporary abstract painter na si Jigger Cruz sa pagpasok niya sa industriya. Sa pag-usad ng panahon, naisip na ring sumali-sali ni JC sa mga exhibit.
Tinanghal ni JC ang kanyang unang exhibit na pinamagatang “Rookie Mistake” noong 2020 sa JC Studio, Makati. Sinundan niya ito ng “Second Quarter” na nasa online ngayong taon. Milestone para kay JC ang kanyang huling collection dahil kasali ito sa prestihiyosong Art Fair Philippines. Pinakamura na ang P97,000 sa mga painting ng dating Phoenix Fuel Masters small forward. Pinakamahal naman sa kanyang mga obra ang isang P167,000 na painting.
Ito na nga ba ang magsisilbing bagong career ni JC? Mukha. Pero hindi lang naman daw kita ang maganda sa ”aksidenteng career” na ito.
“Nagkaroon na ako ng ibang focus. I think timing na ring naisip kong oras na para mag-retire at mag-shift sa ibang mga bagay na pagkakaaabalahan,” ani JC. “Naisip ko na maganda itong pag-aralan. Parang basketball, kailangan ng practice.”
Kuntento na raw muna si JC sa art lalo na’t dahil dito, mas nakakasama niya ang pamilya ngayon kumpara noon. Noong atleta pa sya, araw-araw ang training ni JC kaya’t di masyadong natututukan ang mga anak. Swerte na nga raw na malapit-lapit noon ang court kung saan sila’y nag-eensayo sa bahay. Ngunit pangako nya ngayon sa sarili, itotodo na nya ang pagiging daddy.
“Ngayon, I make sure yung oras nasa kanila habang mga chikiting pa. (Halimbawa), naligo kami nang sabay sabay recently. Kasi ‘pag lumaki na yan, syempre maiilang na sila.”
“Never take things for granted. Tinuruan tayo ng pandemic na puro tayo trabaho dati. Ngayon, puro naman tayo pamilya. Be grateful na may anak tayong healthy.”
“Walang perfect na tatay, walang perfect na nanay. As long as yung oras nyo, andun sa kanila, sapat na yun. Di mapapalitan ng materyal na bagay ang pagmamahal na yun sa mga anak natin.”
Muli na namang nanumbalik kay JC ang eksenang pagsalubong sa kanya nina Lucia at Carmen pag-uwi mula PBA Bubble.
“Kaya sabi ko nun, saludo ako sa mga nagtratrabaho sa ibang bansa at napipilitang mahiwalay sa kids nila.”
Mga pamana sa anak
Sa tinagal-tagal ni JC sa basketball at sa kabila ng kanyang naabot na tagumpay, nananatiling grounded pa rin ang athlete-turned-artist. Nakapag-uwi na ng championship tropies mula NCAA at UAAP si JC. Nagsilbing highlight din ng career nya ang pagiging parte niya sa national team noong 2015. Parte siya ng Gilas Pilipinas na nakapag-uwi ng silver medals sa FIBA Asia Championship at Jones Cup noong makasaysayang taon na yun. Iba pa ang pagtupad ng pangarap nyang makalaro sa PBA. Marami man syang nakamit na injuries habang naglalaro sa liga, hindi naman daw matatawaran ang experience niya rito.
Sabi ni JC, “Twenty years of playing—di ko mararating yun kung walang discipline or hard work.”
Nais daw niyang ipamana sa mga anak ang lahat ng natutunan niya sa kanyang mga karanasan.
“Kahit si Bianca, alam din yung value ng money. Kailangang paghirapan, di basta pwedeng bumili-bili ng toys or kung anong gusto. Di pwede lalo na sa panahon ngayon na na-realize mo kung ano talaga ang valuable sa buhay mo.”
“Kung may gusto kang gawin sa buhay, paghirapan mo, pagtrabahuan mo. Maniwala kayong walang imposible -- kahit anong bagay, basta ibibigay mo ang oras mo. Kaya mong marating yan. Haluan mo ng disiplina, dasal, at pagmamahal. Di pwede ang shortcut sa buhay. Kung ano ang gusto mong marating, kapag nakuha mo na yun, isipin mo ulit kung paano aalagaan yun.”
“Sana lumaki ang mga anak ko nang pinaghihirapan kung anong gusto nilang makuha at marating sa buhay.”
Maaaring may mga fans pang nais bumalik si JC sa court. Iniisip nila siguro na susundan nito ang kapwa PBA player na si Kelly Williams na nag-“untire” sa liga matapos lang ang ilang buwan. Pero inunahan na sila ni JC, “Gusto kong maglaro pero baka sa ibang liga nalang, gaya ng sa village or sa mga alumni event.”
Sa ngayon, kuntento na muna si JC sa motorbike riding bilang libangan. Kasama niya ang mga kapwa basketbolistang sina LA Tenorio at KG Canaleta sa Club 9T. Tungkol naman sa usaping fitness, iniisip din niyang mag-Muay Thai dahil nag-martial arts naman daw siya noon.
Kasama ako sa maraming bilib na bilib sa iyo, JC. Ano pa man ang mga pangarap mo, dahil sa iyong kababaang-loob at sipag, naniniwala akong maabot mo ang mga ito!
---
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 6pm Monday & Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.
- Latest