Krisis sa edukasyon: 4M ang out of school

Apat na milyong kabataan ang nag-drop out sa pa­a­ra­lan. Kabilang doon ang 2.7 milyong hindi nag-enroll nitong kasalukuyang school year. Wala kasing pang-tuition o pang-online classes. Sinira ng pandemic lockdown ang kabuhayan ng magulang nila. Napilitan silang maghanapbuhay, pandagdag ng pagkain sa bahay. Maraming tuluyan nang nawalan ng sigasig sa edukasyon. Nanganganib ang mga babae; maaring mabiktima ng prostitusyon. Kada araw pitong dalagita edad-14 pababa ang nanganganak, anang Population Commission. Hindi na makakapag-aral ang teenage mother; maiiwan sa bahay, walang kinikita.

Kapag kulang sa edukasyon, mas mababa ang sahod. Lamang ang college graduates. Sa bawat grade na hindi natapos, mas mababa nang P25,000 ang taunang sahod, anang World Bank. Kaya P100,000 kada taon ang agwat ng sahod ng magkaedad na nagtatrabahong graduates ng kolehiyo at Grade 12 lang. Sa kalaunan lalaki ang agwat; mapag-iiwanan ang nag-drop out. Hindi makaaahon sa kanal ng karalitaan.

Hanapin lahat ng out-of-school youth, ani Sen. Sonny Angara. Iatas sa mga munisipyo at Social Welfare department ang pagtatala sa kanila. Hikayatin silang bumalik sa pamamagitan ng scholarships, stipends, at pagkain. Makakatulong ang Department. of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority. Bigyan ang out-of-school youths ng pagkakataong makahabol.

Marami ring nag-drop out na lang dahil walang gadgets para sa remote learning. Dalawampu’t limang milyon ang nag-enroll sa public at private schools, at sa state colleges, anang NGO na Philippine Business for Education. Pero 1.9 milyon lang may sariling laptop, 6.2 milyon ang may smartphone, at 3.6 milyon ang may television. Ang magkakapatid naghihiraman lang. Kung sabay ang online classes, isa ang nag-a-attend.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments