EDITORYAL - Daming gusting magpabakuna kaya huwag nang magbanta

Dalawang beses nang nagbanta si President Duterte sa mga tumatangging magpabakuna. Una ay noong nakaraang linggo kung saan sinabi ng Presidente na: mamatay o magpabakuna. Pina­yuhan pa niya ang mga ayaw magpabakuna na bumili na lang ng kabaong. O kaya ay magpa-cremate na lang kung ayaw magpabakuna. Ginagawa na raw lahat ng pamahalaan para mabakunahan ang mamamayan pero marami pa rin ang tumatangging magpabakuna.

Ikalawang pagbabanta ay noong Lunes, kung saan sinabi ng Presidente na ipaaaresto ang mga tatangging magpabakuna. Ang titigas daw kasi ng ulo. Sa inis ng Presidente nasabi na ang ipatuturok daw niya ay bakuna sa baboy. Sabi pa niya ipatutusok daw sa puwet. Huwag na raw hintayin pa ng mga ayaw magpabakuna na gumamit siya ng kamay na bakal.

Alam kaya ng Presidente na marami na ang gustong magpabakuna kaya hindi na siya dapat pang magbanta o manakot. Nararapat bisitahin ng Presidente ang mga vaccination sites para personal niyang ma­kita kung gaano kahaba ang pila ng mga gustong magpabakuna. Kapag nakita niya kung gaano karami ang mga magpapabakuna ay baka bawiin niya ang mga sinabi. Maaaring nabibigyan ng maling impormasyon ang Presidente ukol sa mga nagpapabakuna. Sa katunayan, marami ang nagbabakasakaling mag-walk-in para lang mabakunahan.

Sa Quezon City, dagsa ang mga taong gustong magpabakuna. Maayos kasi ang sistema ni Mayor Joy Belmonte sa pagbabakuna sa mga residente. Sa katunayan, pinuri ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang QC dahil sa rami ng COVID vaccines na naiturok sa mga residente na uma­bot sa 414,850 jabs. Ito ang pinakamataas sa National Capital Region (NCR). Noong Martes, umabot sa 37,234 doses ang naiturok sa QC sa loob lamang ng isang araw.

Nagpapakita ito na maraming tao ang gustong magpabakuna at hindi na sila kailangang takutin­ pa. Kung dati ay nangangamba ang mga tao, ngayon ay hindi na. Kusa nang dumadagsa na ang mga tao sa vaccination centers para magpabakuna. Nagbago na ang kanilang pananaw sa bakuna.

Mahihikayat pang lalo ang mga tao na magpabakuna kung magiging maayos ang sistema na gaya ng ginagawa sa Quezon City na hindi na pinahihirapan pa ang mga residente na nagkukusa na para mabakunahan.

Show comments