Kahulugan ng panaginip

SINAUNANG panahon pa palaisipan sa tao ang pana­ginip. Hari at alipin ay kumonsulta sa babaylan para sa kahulugan ng napanaginipan. Senyas ba ‘yon ng dara­ting na sakuna o digmaan, sakit o kamatayan; o baka naman­ tagumpay at sagana, kalusugan o pagsilang. Sa pani­wala ng tao sa interpretasyon nabago ang takbo ng kasaysa­yan. Sa Bibliya kinausap ng Diyos si Noah para buoin ang Arko bago bumaha, at si Joseph para ilikas ang mag-inang Maria at Hesus sa Egypt. Sa pagsunod nila sa mensahe naligtas ang sangkatauhan.

May nagkukulong sa bahay o tumataya sa jueteng o nagsisimula ng negosyo batay sa panaginip. May nata­takot kung paulit-ulit ‘yon. Ikinabit ni Dr. Sigmund Freud sa sex lahat­ ng panaginip. Ano man ang eksena o salita na tuma­nim sa isip ng nangarap ay dahil umano sa pina­ka­tagu-tagong pagnanasa o ikinahihiyang kaganapang sexual. Anang saliksik nananaginip din ang mga pusa, elepante at matsing.

Hindi sa buong pagtulog ng tao siya nananaginip. Kapag nangyayari na ito, mabilis na kumukurap-kurap ang mga pilik-mata ng natutulog – rapid eye movement (REM). Hindi mai-videotape kung ano ang napapanaginipan. Nasa sub­conscious daw ito ng utak, na binubuo ng cells at electro-chemical neuro-impulses. Umaasa lang ang researchers sa kuwento at memorya ng subject pagkagising.

Ngayon sinisikap ng scientists na “kausapin” ang nana­naginip. Sinanay muna nila ang volunteers na tumango, umiling, at sumenyas ng kamay o daliri habang tulog. Tapos ineksperimento sila. Kapag nagre-REM – nananaginip na – binubulungan sila ng mga karaniwang salita: kulay, korte, numero. Tinatanong kung naiintindihan nila ang sinasabi. Kagila-gilalas, umo-oo o humihindi sa kibot ng ulo o kamay. At pumapasok sa panagi­nip ang mga salita; halimbawa bilang kulay ng hayop o korte ng kagamitan o numero ng bahay.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments