EDITORYAL - Ilog Pasig, number one sa nagpaparumi sa karagatan
Nangunguna ang Pasig River sa 19 na mga ilog sa bansa na nagpaparumi sa karagatan. Nagluluwa ito ng tone-toneladang plastic na basura sa Manila Bay dahilan para maging polluted ang dating malinis at hinahangaang lawa.
Bukod sa Pasig River, nagluluwa rin nang maraming basurang plastic sa karagatan ang mga ilog ng Tullahan, Meycauayan, Pampanga at Libmanan.
Ayon sa isang pag-aaral na nalathala sa Science Advance Journal, nasa 1,600 ilog sa buong mundo ang nagko-contribute para ma-pollute ang karagatan. Ayon sa pag-aaral, 80 percent ng mga ilog ay nagsusuka ng mga basurang plastic na humahantong sa dagat. Kahit umano maliit ang ilog ay nakakapag-contribute ng mga basurang plastic. Walang tigil sa paglalakbay ang mga basurang plastic na pawang humahantong sa dagat..
Ayon pa sa pag-aaral, ang Pasig River ay nakakapag-contribute ng mahigit 356,000 metriko tonelada ng plastic na basura sa karagatan bawat taon. Ang Pasig River na may habang 27 kilometro ay nakapaikot na parang ahas sa mataong Metro Manila. Maraming bayan at lungsod ang nasa paligid ng Pasig River at ang mga ito ay nagko-contribute ng 63,000 tonelada ng basura bawat taon.
Problema ang plastic na basura sa Metro Manila. Nararapat nang magkaroon nang pangmatagalang solusyon ang local government units (LGUs) para mabawasan ang paggamit ng plastic. Sa Quezon City, ipinatutupad ni Mayor Joy Belmonte ang pagbabawal sa paggamit ng single-used plastic. Bawal ang plastic sa QC. Kamakailan, inilunsad ni Belmonte ang “trash to cashback” program kung saan lahat ng recyclelables na basura ay ipapalit ng pagkain at pera.
Gawin din sana ito ng ibang LGUs sa Metro Manila para malutas o mabawasan man lang ang plastic na basura.
- Latest