EDITORYAL - Malalaswang salita sa module, grabe na

Marami nang mali at mga malalaswang salita na nakasaad sa modules na ginagamit ng mga estudyante. At nagpapatuloy pa ito sa kasalukuyan. Paano nakalusot ang mga ito sa Department of Education (DepEd)? Imprenta lang ba sila nang imprenta ng modules at wala nang pagsusuri sa nilalaman ng mga ito? Kung ganito ang kanilang ginagawa, anong klaseng edukasyon ang kakamtin ng mga estudyante?

Napupurga ang isipan ng mga bata sa mga hindi kanais-nais na salita na nababasa sa module. Habang tumatagal, pabastos nang pabastos ang mga salitang ginagamit sa module na walang pagkakaiba sa mga malalaswang tabloid.

Umaani na naman ngayon ng batikos ang DepEd makaraang ibulgar ng school administrator na si Antonio Calipjo-Go ang mga malalaswang salita sa module na ginagamit ng mga estudyante sa senior high school. Dumalo sa hearing ng House committee­ on public accounts si Go at ikinuwento niya na apat na magulang mula sa Pampanga ang lumapit sa kanya at sinumbong ang mga malalaswang salita sa mo­dules na ginagamit ng mga anak nito.

Ipinakita ni Go sa hearing ang kopya ng module kung saan ay topic ang tungkol sa aswang, tiyanak­, kapre, at maligno. Ang kahulugan ng aswang ayon sa module ay: “Siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising­ kung gabi para maghanap ng makakantot or maaaswang.”

Hindi ito ang una na binatikos ang DepEd dahil sa malalaswang salita na nasa textbooks o modules. Noong nakaraang Setyembre 2020, mga bastos na pangalan ang nakasaad sa learning modules na gina­gamit ng mga senior high school students. Ilan sa mga bastos na pangalan na ginamit sa module ay “Pining Garcia”, “Malou Wang’’, “Abdul Salsalani’’, at “Tina Moran”. Natunton ang gumawa ng modules na isang guro sa bayan ng Palauig, Iba, Zambales. Hindi na nabatid kung ano ang ginawa ng DepEd laban sa iresponsableng guro. Hinayaan na lang ng DepEd?

Sa bagong kontrobersiya ng bastos na salita na inilantad ni Go, sinabi ni DepEd Undersecretary Dios­dado San Antonio na iniwasto na raw nila ang malaswang salita. Ginawan na raw ito ng errata ng division office.

Mauulit muli ang paggamit ng mga malalaswang salita sa module o maski sa textbooks kung hindi magiging mapanuri at mapagbantay ang DepEd. Kahiya-hiya na talaga sila kapag nangyari uli ito.

Show comments