Ang husay ng transpinay!

Dahil hindi nakaririwasa, nagbebenta si Albiean ng kanyang mga ipininta para tustusan ang hormonal therapy at mga gastusin sa eskwela. Sa pagiging isang trans na nakaranas ng pang-aapi, mas lalong naging inspired si Albiean na isulong ang kanyang adbokasiya pagtuntong sa Miss Trans Global PH stage.

Kakaiba ang fulfillment na aking nakukuha bilang isang broadcaster. Pero ano nga ba ang ang masasabi kong pinaka-fulfilling na aspeto sa career kong ito? Ang patuloy na paglawak pa ng aking isipan at puso sa bawat news at issue na nakakalap ko. Lumalawak ang aking kaalaman tungkol sa buhay, na siya namang naibabahagi ko sa aking personal na buhay at adbokasiya.

Sa pagiging journalist, mas nagiging maalam ako sa mga isyu ng komunidad. Naibabahagi ko naman ang mga natutunan ko sa mga kapamilya, kaibigan at sa mga online follower ng aking social media accounts. Sa tulong ng aming guests sa pinakahuli naming “Pamilya Talk” episode, nagkaroon ulit ako ng ganitong mistulang “seminar.”

Pinaunlakan kami ng confidently beautiful transpinays na sina Miss Trans Global Philippines queens Mela Franco Habijan (2020) at Albiean Revalde (2021) ng isang interview na tumutumbok sa pagmamahal at pagtanggap ng pamilya at pamayanan sa LGBTQIA+. Bukod sa sakto ito sa aking mga adbokasiyang may kinalaman sa pamilya, pasok din ito sa banga ngayong Pride Month.

Kung pagbabasihan natin ang ating saligang batas, mukhang hindi pa rin tayo gaanong bukas pagdating sa usaping Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE).
Ang ating mga mambabatas mismo, hindi maipasa-pasa ang SOGIE Bill. Naglalayon ang panukalang-batas na sana’y proteksyunan ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa diskriminasyong may kinalaman sa kanilang orientation, identity, o expression.

Mabuhay ang Trans queens!

Sa aming episode, talagang pang-Ms. Universe ang sagot nina Mela at Albiean kaugnay ng SOGIE-related issues, lalo na sa usaping may kinalaman sa kanilang mga transwomen. Ipinakita nilang may beauty and brains ang marami sa ating transpinays, kaya hindi dapat sila maliitin.

Aktres, entrepreneur at school directress si Mela. Napanalunan nya ang pinakaunang Miss Trans Global nung September 2020. Parte ng kanyang queenly duties ang tulungan ang organisasyon sa kanilang income-generating activities, at sa pagsisikap na maikalat pa ang mensahe ng trans-acceptance at gender equality sa mundo. Dahil dito, naging cover girl pa si Mela sa London-based TransBeauty magazine noong Enero!

Si Albiean naman ang pinakaunang nanalo ng Miss Trans Global PH. Kinoronahan ang Ilongga kamakailan lamang matapos talunin ang 24 pang ibang transpinays. Sa edad na 19, siya na ang pinakabatang sumali sa timpalak. Nag-aaral si Albiean ng industrial engineering sa Polytechnic University of the Philippines, kung saan siya’y vice chair ng Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan PUP.

Magkaibang kwento ng paglaki at pagladlad ang dala ng dalawang batang reyna. Si Mela, lumaki sa isang mapagmahal na pamilya, na sabi niya’y talaga namang nagpagaan ng kanyang “coming out” at pag-transition. Sa sobrang supportive ng mga kapamilya ni Mela, tutok mismo ang kanyang daddy sa aming episode at nagko-comment pa! 

Si Albiean naman, laki sa hirap. Nagladlad daw sya ng dalawang beses—una, bilang nonbinary at sunod, bilang babae. Dahil hindi nakaririwasa, nagbebenta si Albiean ng kanyang mga ipininta para tustusan ang hormonal therapy at mga gastusin sa eskwela. Sa pagiging isang trans na maraming pinagdaanang mga hamon, mas lalong naging inspired si Albiean na isulong ang kanyang adbokasiya pagtuntong nya sa Miss Trans Global PH stage.

Sabi ni Miss Trans Global PH national director Janlee Dungca, ilan lang ang mga kwento nina Mela at Albiean sa makulay at mahirap na mga pinagdaraanan ng mga trans. Iyon daw ang layunin ng pageant:   Palawigin at palalimin pa ang diskusyon ukol sa buhay ng mga trans para mas lalong maunawaan ng lipunan.

“We have to remember that our struggles are intersectional. Ang struggles ng kababaihan ay intersected sa struggles ng LGBTQIA+ community. Ang mga ipinaglalaban po namin ay di nagkakaiba at di nagkakalayo sa iba. Ang ipinaglalaban namin ay ang ituring at makita kami as equals,” sabi ni Janlee.

“Nag-uugat lahat sa patriarchy kung saan mataas ang pagtingin sa lalake kumpara sa babae. Kaya lalong mas bababa pa ang pagtingin ng tao sa LGBTQIA+ community. Ang punto dito ay ang magkaisa, hindi lang ang mga kababaihan at LGBTQIA+ community, kundi lahat ng tao sa mundo.”

Tuwang-tuwa naman si Mela na marami na ring tulad nyang transwomen na nagkakaroon ng malaking papel sa lipunan. “From doctors to lawyers, I see many transwomen flying in their respective fields. These include those working in multinational companies, integrating policies within. Soon enough we will be seeing many LGBTQIA+ people across many fields just simply saying, ‘I’m good at what I’m doing. I can actually become a collaborator and a catalyst of change in whatever field I am in.’ I am looking forward to many younger generations like Albiean occupying more spaces—confident that their dreams can come true.” Bumida na si Mela sa mga palabas sa GMA-7 (Magpakailanman, Asawa Ko Karibal Ko) at iWant (Manilennials). Isa rin sya sa magagaling na writers sa likod ng mga patok na program ng ABS-CBN, gaya ng Gandang Gabi Vice at The Buzz.

Dagdag pa ni Mela, “I’m proud that more transwomen are coming forward. So many LGBTQIA+ have discovered bravery in the course of their enlightenment, at mas may pag-angkin sa identity nang walang takot. Bagkus, nakikita pa nila ang kagandahan nito. Unti-unting nagkakaroon ng tapang, at ang tapang na yun ang lengguwahe ng pagmamahal.”

Si Albiean naman, bata pa pero aktibong-aktibo na sa kanyang mga ipinaglalaban. Halimbawa ay nang pinagbawalan umano noon ng kanilang high school admin ang mga katulad nyang seniors na transwomen na magmartsa. Hindi raw sila pinayagan noong una dahil lang sa mahaba ang kanilang buhok.

Vocal dito si Albiean na tinawag ang mga ganitong uri ng pamamalakad sa bansa na “patriarchal, capitalistic, at macho-feudal.”

Hinaing pa niya, “When people tell us that we will fail in life because we’re trans, remember it is not our (fault). Sino ba ang naglagay sa atin dito? Even at a young age, bine-break na nila ang dreams natin dahil sa identities natin. During our time, umiiyak ang mga kapwa ko transwomen, di pumapasok dahil takot silang pagupitan.”

Ang papel ng lipunan

Bagama’t naging successful ang mga platform gaya ng Miss Trans Global PH pagdating sa pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa inclusivity, marami pa rin tayong mga institusyon na tila iniisnab ito. Bukod pa sa SOGIE Bill na nasa interpellation pa rin hanggang ngayon, pati mga pribadong kumpanya ay tahimik sa usaping ito. Sa nilabas ng Philippine Corporate SOGIE Diversity and Inclusiveness Index nung 2018, sa isang daang kumpanya sa bansa, wala ni isang kumpanya ang may mga polisiyang pumuprotekta sa mga empleyado laban sa mga isyung may kinalaman sa SOGIE.

“Wala tayong enough policies to educate people about our plight and to protect us as well. Hindi natin ma-blame sa mga tao kung paano sila nag-re-respond. We should see it more as a systemic way on how institutions mold our minds. Hindi ito mabilisan, but these institutions can change so much of our policies and (ultimately) our culture.”

Dagdag nya, “I think this stems from how we are molded in society. People fear what they do not know. And not being educated about our LGBTQIA+ community is rooted in how institutions respond to us. Society should be held accountable on how they treat us, and on what conditions and situations they present to us.”

Bukod kina Albiean, Mela at Janlee, kasama rin sa aming guests ang proud LGBTQIA+ member at advocate na si Macoy Dubs.

“Let’s be open and progressive. Once na tinaga mo na sa bato na, ‘Babae ako,’ that’s it. No ifs, no buts, no other reactions to it,” dagdag ng host at digital content creator. “It’s also a clarion call kasi it’s a good conversation to open with the government to really review and approve the SOGIE Bill. Parang bakuna (ang identity), once you’re vaccinated, walang tanungan ng brand, walang ganon.”

Tinumbok din ni Macoy ang papel ng eskwelahan at media, pagdating sa SOGIE education.

“Isama sa curriculum (ang SOGIE education) para may alam sila at pagtanda nila, di sila takot. Ang pagpatay, pangungutya at pang-aasar — lahat nag-uumpisa dahil sa takot.”

Dugtong nya, “Acknowledging true representation din sana from the media, lalo na sa telebisyon na main driver of entertainment here in our country. Tama na siguro na gawin tayong katatawanan at pulutan ng discrimination at iba’t-ibang salita na nakakasakit sa komunidad. Ang brands naman, di naman natin kailangan pilitin, pero sana may brands na ina-acknowledge and nire-recognize ang LGBTQIA+.”

Kaugnay ng media at entertainment, naniniwala rin sina Macoy na dapat ipagpatuloy pa ng malalaking pageants ang pagpapalaganap ng kanilang mensahe ng pagtanggap at pagkakaisa. Gaya na lamang ng Miss Universe na talaga namang patok sa bansa.  Hindi na ulit nasundan pa ang pagkakaroon nila ng transwoman finalist pagkatapos ni Miss Spain Angela Ponce nung 2018.

“Transgender women are women, period. All women should be able to join any other pageants originally meant for women. Wala po dapat tanong kung dapat kaming sumali kasi karapatan po namin yun bilang babae,” sabi ni Janlee.

“Pag dumating sa point na magkasama na sa isang pageant ang cisgender at transgender women, ibig sabihin nito ay mas nauunawaan na ng mga tao at natatanggap na nila kami.”

Ang transformation ng pamilya

Nagmumula sa isang mapagmahal at maunawaing pamilya ang mapagmahal at maunawaing lipunan. Kaya naman sabi ni UP Diliman Center for International Studies assistant professor Rae Macapagal, dapat sinisimulan ang paghulma sa ganitong mga pananaw at values sa tahanan pa lamang. Panawagan nya ito lalo sa mga magulang na mas may kakayahang intindihin at aralin ang mga ganitong sitwasyon.

“Kahit hindi mo maintindihan nang buo, ang importante ay mapagkalinga ka at natatanggap mo ang ganitong klaseng identity, lalo na kung hindi naman nakakasakit ng tao. Importante lang naman diyan ay edukasyon at kalinga,” sabi ni Asst. Prof. Macapagal.

Sa pagkakataong nahihirapan ang mga magulang, bukas naman daw ang centers gaya ng UP Center for Women's and Gender Studies para magbigay ng payo. Mayroong mga professional counselors din daw na pwedeng hanapin sa Internet para tumulong.

Bilang peryodista, family advocate at ina, nananawagan din po ako sa mga kapwa ko magulang na maging mas bukas po tayo sa usaping SOGIE. Lingid sa ating kaalaman, hindi lang bullying o iba pang krimen at isyu ang nagmumula sa takot at lungkot ng ating mga anak, kundi pati na rin ang kawalan ng linaw at gabay ukol sa kanilang kasarian, identity at expression. Wag nating pabayaang makaapekto ito sa kanilang kalusugan at pag-iisip, o umabot sa punto na kanilang ikapapahamak. Magkusa po tayong magsaliksik tungkol sa SOGIE at makibahagi sa mga diskusyong makakapagpalawak pa sa ating puso’t-isipan. 

Bilang pagtatapos, nais kong hiramin ang mala-Miss Universe na pahayag na ito mula mismo sa aming guest na si Mela.

“Ang pinakamapait na pakiramdam at pinakamalalim na sugat na matatamo ng isang LGBTQIA+ person ay mula sa pagtakwil ng kanyang magulang. Kasi dapat ang magulang ang tahanan. Dapat sa magulang nagsisimula ang pagmamahal. Sa magulang, nagkakaroon ng kasiguruhan, an assurance that life would be better and life would be okay because of love.”

“Kung kayo po ay nahihirapan, balikan nyo po ulit, ‘Bakit sya andito sa mundong ito?’ Nang dahil sa pagmamahalan ninyo ng inyong asawa. Yun ang dahilan kung bakit ninyo sya kinakalinga at yung pagmamahal na yun ang magiging dahilan kung bakit sya lilipad at magigig mabuting tao—kahit sino man ang kanyang mahalin. Pagka’t sa huli, susukatin ang inyong anak kung paano sya naging mabuting tao.”

“We live in a beautifully diverse world. Kailangan nating tingnan ang esensya ng bawat isa because that’s where we meet.  Makikita natin na ang bawat isa ay may ganda, husay, galing, at maaari natin itong magamit para magbuklod-buklod tayong lahat. We can collaborate as a diverse world. Lahat naman tayo sa huli ay iisa ang patutunguhan sa buhay—ang maging masaya at mamatay nang masaya. Sana bago natin lisanin ang mundong ito, masabi natin na naging makabuluhan ang buhay na ito, dahil natingnan natin ang bawat isa bilang isang kaibigan, kapatid, kaisa, kasama, kapamilya.”
 

---

Please watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 6pm Monday & Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

Show comments