EDITORYAL - Hustisya sa pinatay ng NPA sa Masbate
Noong Linggo, payapang nagbibisekleta si Keith Absalon at kanyang pinsan na si Nolven Absalon nang tamaan ng kanilang bike ang improvided landmine na tinanim ng NPA sa Masbate. Namatay si Keith at pinsang si Nolven. Ang anak ni Keith ay nakaligtas sa pagsabog.
Si Keith, 21, ay dating most valuable player ng University Athletic Association of the Philippines Juniors Football. Dati siyang football player ng Far Eastern University (FEU). Pinutol ng mga mamamatay-taong komunista ang pangarap ni Keith na pumalaot pa sa larangan ng football at makapagbigay ng karangalan sa bansa. Maraming nagsasabi na malaki ang potensiyal ni Keith at nahahanay ang husay sa mga player ng Azkal national football team.
Marami nang utang sa sambayanan ang Communist Party of the Phillippines (CPP) at ang military wing nitong New People’s Army (NPA). Marami na silang pinatay na inosenteng mamamayan. Mga namumuhay nang tahimik at payapa ang kanilang binibiktima. Hindi na nakapagtataka na wala nang naniniwala sa ipinaglalaban ng grupong ito. Pamiminsala sa buhay at ari-arian ang kanilang sinasabing pakikibaka.
Ilang araw makalipas ang pagsabog, inako ng NPA ang landmine na nakapatay kina Keith. Humihingi sila ng kapatawaran sa nangyari at naghandog ng pera bilang kabayaran. Tumanggi ang ina ni Keith. Hustisya ang hangad niya.
Kung totoo sa loob ng NPA ang paghingi ng kapatawaran, nararapat na isuko nila ag kanilang mga miyembro na iresponsable sa pagpapasabog. Ito ang nararapat para makabayad sila sa nagawang pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.
Balewala na sa kanila ang pagpatay at pagsira ng ari-arian. Mga NPA din ang nanunog sa Yellow Bus sa M’lang, North Cotabato noong nakaraang linggo na ikinamatay ng tatlong pasahero. Hindi umano nagbigay ng revolutionary tax ang may-ari ng Yellow Bus kaya ito sinunog.
Hustisya ang sigaw ng mga kaanak na walang awang pinatay ng NPA partikular ang mga Absalon. Pagbayarin sila sa karumal-dumal na krimen.
- Latest