May katwiran ding magyabang itong si alyas Renel na “untouchable” ang jueteng operations n’ya sa Caloocan City dahil tuloy pa din ang operation nito.
Ang katwiran ni Renel sa mga kausap n’yang pulis, legal ang kanyang negosyo kaya’t hindi s’ya puwedeng galawin. Kaya’t hayagan pang nangungubra ng taya ang mga kubrador nina alyas Boyong at Tisay sa Bagong Silang at Camarin dahil tatlong beses kung magbola itong jueteng ni Renel. Itong patuloy na jueteng operation ng jueteng ni Renel ay isang malakas na sampal kay NCRPO chief Maj. Gen. Vicente Danao Jr. ang umuugong na manok ni President Digong bilang sunod na PNP chief. Subalit kung si Renel pa lang ay hindi na niya masuweto, eh ‘di lalaganap ang jueteng sa bansa kapag naupo si Danao? Dipugaaaaaa!
Sa totoo lang, inabot ang Dipuga ng kantiyaw ni kosang Willie Villacorta, na isang retired cop sa pagbulgar ko ng jueteng ni Renel. Ayon kay kosang Willie, “puro bulgar, puro bulgar...hindi naman pinapansin.” Hehehe! May punto naman si kosang Willie dito kung itong patuloy na jueteng operation ni Renel ang gagawing basehan. “Magkano bah,” ang pahaging pa ni kosang Willie. Ano ba ‘yan? Dipugaaaaa!
Ang negosyo ni Renel ay nakalatag sa southern Metro Manila noong nakaraang taon kaya lang nawalis o ipinasara ng PNP. Kung legal itong si Renel, sana dumapo siya sa korte at ipinaglaban ang karapatan n’ya subalit bumigay kaagad s’ya at lumipat na lang sa Caloocan, na hindi kasali sa 15 probinsiya na pinayagan ng Court of Appeals (CA) na mag-operate ang tropa n’ya. Kung itong desisyon ng CA ang gagawing basehan, ilegal itong jueteng ni Renel, di ba mga kosa? Mismooooo! Dipugaaaaaa!
Kung sabagay, noong nag-ooperate pa siya sa southern Metro Manila, may kausap na si Renel sa NCRPO, di ba Mam Tita? Kaya’t dapat arukin ni Danao kung sino ang Herodes na ito na nag-Hudas at sinisira ang ambisyon n’ya na maging PNP chief sa Nobyembre. Kapag hindi nasawata ni Danao itong si Renel, aba may disgrasya ang hangarin n’yang mag-chief PNP, di ba PRO3 director Brig. Gen. Val de Leon Sir? Araykupoooooo! Abangan!