EDITORYAL - Basura, dahilan ng baha sa Metro Manila
Sabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang numero unong dahilan nang pagbaha sa Metro Manila ay basura na itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan. Sabi ng MMDA, kung paiiralin ang disiplina sa pagtatapon ng basura, maiiwasan na ang pagbaha. Payo ng MMDA, ilagay sa lugar at oras ang basura kung saan hahakutin ito ng mga garbage truck. Kapag hindi naging maayos sa pagtatapon ng basura, babara ang mga ito sa daanan ng tubig na magiging sanhi ng pagbaha.
Taun-taon, laging problema ang baha sa Metro Manila. Ito ay sa kabila na laging nagsasagawa ng paglilinis sa drainages at mga estero ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at MMDA mismo. Kahit pa nagkaroon ng flood control program na ginastusan nang malaki noong 2010, nananatiling problema ang baha sa Metro Manila. Sa Maynila, hindi na nawala ang baha sa España Blvd, ganundin sa kahabaan ng Taft at Rizal Avenues.
Idineklara noong Biyernes ng Philippine Atmospheric, Geopysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umpisa na ng tag-ulan. Kahapon, maghapong umulan sa Metro Manila at may mga lugar na nakaranas ng baha. Inaasahan na ang mga pag-ulan at pagbaha sa mga susunod na araw dahil sa namataang low pressure area. Ang nagbibigay pangamba kung panahon ng tag-ulan at baha ay ang pagkalat ng mga sakit gaya ng dengue at leptospirosis.
Karaniwang bumabara sa mga daanan ng tubig ang mga single-used plastic na gaya ng sando bags, grocery bags, sachet ng 3-in-1 coffee, catsup, shampoo, toothpaste, at iba pang basura na hindi nabubulok. Ang mga ito, itinatapon sa kung saan-saan na lang. Sa kasalukuyan, pati na rin face masks ay kabilang na rin sa mga basurang lulutang-lutang sa estero na nagiging dahilan na rin ng baha. Lahat nang basurang itinapon sa mga estero ay tatangayin naman sa Manila Bay.
Isa sa mga paraan para mabawasan ang mga basura sa Metro Manila at maiwasan ang pagbaha ay ang pagbabawal sa single-used plastic. Tanging ang Quezon City pa lamang ang nagpapatupad nito. Noong nakaraang linggo, hinikayat ni QC Mayor Joy Belmonte ang mga residente na mag-recycle ng basura. Papalitan ng pagkain at cash ang mga basura. Mabisa itong paraan para mabawasan ang plastic pollution na nagdudulot ng pagbaha.
Magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura at ipatupad ang pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics. Ito ang solusyon sa plastic pollution at maging sa baha.
- Latest