Ipinakita ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar ang body cameras nang ilunsad sa Camp Crame noong Biyernes. Sinabi ni Eleazar na gagamitin ang body camera sa anti-drug operations, pagsisilbi ng warrant, pag-rescue sa hostage, checkpoint, court order at iba pang malalaking event tulad ng State of the Nation Address (SONA).
Pagkalipas ng tatlong taon, magagamit na ng PNP ang mga body camera na noon pa binili para sa police operation. Ilang PNP chief na ang pinagdaanan ng mga body camera pero sa termino pala ni Eleazar mapapakinabangan. At least bago man lang magretiro si Eleazar ay mayroon siyang maiiwan na magandang nagawa sa PNP. Napakahalaga ng body camera para sa police operation. Lahat nang galaw at pangyayari ay maka-capture at marerekord. Hindi makapagsisinungaling ang mga operatiba sakali’t may mga kabalbalang naganap. Ito rin naman ang panghahawakan ng awtoridad na hindi sila lumabag sa police operations.
Malaking tulong ang body camera para mabilis na maresolba ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pulis. Gaya halimbawa ng “aksidente” umanong pagkakabaril sa tinedyer na si Edwin Arnigo ng Valenzuela City kamakailan. Apat na pulis ang sangkot sa pag-raid sa isang tupada kung saan naabutan umano si Arnigo. Ayon kay Master Sgt. Christopher Salcedo, inagawan siya ng baril ni Arnigo. Sa pag-aagawan, nabaril si Arnigo na tinamaan sa puso at baga.
Sabi naman ng ina ni Arnigo, hindi magagawang mang-agaw ng baril ang kanyang anak at matindi raw ang takot nito sa mga pulis. Kinaladkad daw ang kanyang anak sa tupadahan at hinubaran pa ng damit.
Kung may body camera ang mga pulis nang mag-raid sa tupadahan, hindi na kailangang magpaliwanag sapagkat makukunan ang pangyayari.
Nagsimula ang panukalang pagsusuot ng body camera ng mga pulis makaraang mapatay ang 17-anyos na si Kian delos Santos noong 2017 sa Caloocan City. Nagkaroon ng drug operations sa lugar at isa si Kian sa nadamay. Ang brutal na pagpatay ay nakunan ng CCTV. Nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong pulis.
Ngayong gigiling na ang body camera ng mga pulis, maiiwasan na ang mga karumal-dumal na pagpatay na ang laging palusot ng mga alagad ng batas ay lumaban ang kanilang inaaresto. Matatapos na ang extra-judicial killings at pagtatanim ng ebidensiya dahil sa body camera? Sana nga.