EDITORYAL - Preparado na ba sa bagyo?
TAUN-TAON, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa at karamihan sa mga ito ay mapaminsala. Marami ang namamatay at malaki ang pinsalang iniiiwan. Sa kabila na taun-taon ay dumadalaw ang mga bagyo, marami pa rin ang hindi nakapaghahanda. Maski ang pamahalaan ay walang sapat na kahandaan at kung kailan nagbabanta na ang pagtama ng bagyo saka lamang nagpaplano. At ang resulta, marami ang napapahamak at namamatay.
Lumabas na kahapon ng PAR ang bagyong “Dante’’ na nag-iwan ng apat na patay at grabeng pagkasira ng mga ari-arian at pananim. Pagkalunod at natabunan ng lupa ang dahilan nang pagkamatay ng mga biktima. Matapos manalasa sa Samar, ang Southern Luzon naman ang binayo ni “Dante” at apektado ang mga probinsiya ng Romblon, Mindoro provinces, Marinduque, Quezon, Cavite, Batangas. Sa report ng Department of Agriculture, tinatayang P14.6 milyon ang napinsala ng bagyong “Dante”. Aanihin na ang mga palay nang tamaan ng bagyo.
Ngayong nagsisimula na ang paghataw ng mga bagyo, isang katanungan ang nararapat ipaalala hindi lamang sa mamamayan kundi sa kinauukulan. Handa na ba sa mga kalamidad gaya ng bagyo? May plano na ba ang local government units (LGUs) kung kailan aalisin sa mga pampang ng ilog at estero ang mga informal settlers na apektado ng baha at pagguho ng lupa.
Mayroon na bang nakahandang evacuation centers sakali at mayroong mga ililikas? At may nakahanda na bang plano kung paano hindi magkakahawahan sa COVID-19 ang mga nasa evac centers? Mayroon na bang nakahandang mga rubber boat o mga pang-emergency na sasakyan sakali at tumaas ang tubig sa mga apektadong lugar. Natupad ba ang sinabing palalalimin ang mga ilog para hindi umapaw ang tubig, gaya halimbawa sa Marikina River na taun-taon ay umaapaw kaya apektado ang mga residente na malapit sa pampang.
Pangatlo lang si “Dante” sa mga bagyong nanalasa at tiyak meron na namang namataan ang PAGASA na sama ng panahon. May oras pa para maghanda ang pamahalaan at mamamayan mismo.
- Latest