Marami pa ang ayaw magpabakuna

Ayon sa ourworldindata.org/covid-vaccinations, 3.47 mil­­yon ng populasyon ang nakatanggap na ng bakuna. Ang datos na hawak nila ay para noong May 25 pa kaya siguradong nagbago na ang bilang na ito. Kasama sa bilang ang nakatanggap ng isa o dalawang dose ng bakuna.

Malayo pa tayo sa 70% ng populasyon na target ng administrasyon para makamit ang herd immunity. Panay ang paalala na nga ng gobyerno na magpabakuna na ang nasa prayoridad at lahat ng tatak na bakuna ay epektibo.

Pero habang dumarami na rin ang nais magpabakuna lalo na’t pumapasok na sa bansa ang mga bakuna mula US tulad ng Pfizer at Moderna, nagiging malinaw na marami pa ang ayaw magpabakuna para sa sari-saring da­hilan. Takot sa side effects, takot sa karayom, ayaw ng bakunang gawa sa isang bansa o walang tiwala sa bakuna ang ilan sa mga dahilan. At hindi lang sa Pilipinas ang may gan­yang problema.

Sa US, halos kalahati na ng kanilang populasyon ang nabakunahan. Pero mas matindi ang kanilang problema sa mga ayaw magpabakuna. Nagiging pulitiko na nga ang laban dahil lumalabas na karamihan ng mga ayaw magpakuna ay mga taga-suporta ng partido ni dating Pres. Donald Trump.

Kasama pa nga riyan ang ilang mambabatas na hinam­bing pa ang pagbabakuna at patuloy na pagsuot ng face mask sa holocaust kung saan anim na milyong Jews ang pinatay ng Nazis noong World War 2. Natural hindi maganda ang pagtanggap sa paghahambing nito pero ganyan na nga ang sitwasyon sa US kung saan nagiging malawak at matindi na ang dibisyon dahil sa pulitika, at dahil sa natalong Trump.

Kaya nangangamba ang mga eksperto na kung malaki pa ang bilang ng mga ayaw magpabakuna sa buong mundo, baka hindi tuluyang mawawala ang COVID sa buhay natin. Parang hindi ko maisip iyan. Lahat tayo ay nais na ngang makabalik sa normal na buhay at masyadong malaki na ang epekto ng COVID sa atin. Magkita-kita, mag­saya, at mag-enjoy. Kung may virus na mananatili lang sa ating buhay, paano natin makakamit muli iyan?

Show comments