^

PSN Opinyon

Pagtakbong VP dapat tanggihan ni Duterte

AKSYON NGAYON - AL G. Pederoche - Pilipino Star Ngayon

Kahit may resolusyon na ang partidong PDP-Laban ni Presidente Duterte na nag-eendorso sa kanya bilang Vice Presidential bet sa 2022, por delicadeza, dapat niya itong tanggihan.

Sinabi ng Presidente na ito’y masusi pa niyang pinag-iisipan kung tatanggapin o hindi. Ibig sabihin, taglay pa rin niya ang pagnanasang tanggapin ito, bagay na hindi man lang dapat sumagi sa isip ng isang taong kumikilala sa demokrasya.

Kaya nga nilimitahan sa isang term lang ang panunung­kulan ng halal na Presidente ay upang alagaan ang diwa ng demokrasya at maiwasan ang pagkakaroon ng isang diktador.

Marahil may magsasabing “Bise Presidente” naman ang posisyon at hindi Presidente. Tama. Pero alalahanin na ang Vice President ay siyang papalit sa President sa sandaling sa ano mang dahilan ay hindi na magampanan ng Presidente ang katungkulan ng mamuno sa bansa.

Paano kung ang mahalal na Presidente ay kaalyadong sunud-sunuran sa kanya? Paano kung ngayon pa lang ay may nakahanda nang senaryo para mag-takeover si “Vice President Duterte” at mawala sa eksena ang nahalal ng Presidente?

Kaya ang pinakamainam na gawin ng Presidente ay hantaran nang tumanggi sa resolusyon ng kanyang partido at magtalaga ng ibang personalidad para sa posis­yong Vice President. Huwag siya dahil tiyak maghihinala ang marami na may binabalak siyang balikan ang pinakamataas na puwesto.

Dapat, sa ngayon pa lang ay magkaroon na ng pagkakaisa ang oposisyon upang magtalaga ng isang katiwa-tiwalang pambato sa darating na Presidential elections. Sa ngayon kasi, mukhang wala pang linaw kung sino ang isasabak nila sa karera sa Panguluhan.

VP

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with