HINDI tayo nag-iisa sa kalawakan. Ang solar system natin ay walong planeta, at maraming buwan at asteroids. Ga-tuldok lang ito sa galaxy na Milky Way ng mahigit 100 milyong bituin o araw, ani radio astronomer Sir Bernard Lovell. Sa bawat bituin o araw ay maaring may umiikot ding planeta, buwan at asteroids. At ‘di mabilang o makita ang maraming iba pang galaxy. Sa rami nu’n, malamang may planeta na kasing hugis at klima ng mundo. Kaya malamang may buhay din doon -- hindi lang halaman o protozoa kundi nilalang na may isip. Huwag nang lumayo. Natuklasan na sa Venus at Mars, mga planetang pinaka-malalapit sa atin, ay may methane. Pruweba ito na may buhay o namatay o naagnas.
Kung may nilalang sa ibang solar systems at galaxy, malamang nag-iisip din sila tulad natin na makipag-komunikasyon. Taong 1896 nang mabalita ang umano’y signal mula sa Mars. Nasaksihan ang maliwanag at matalas na ilaw, na sinabing paraan daw ng Martians magpakilala sa atin. Nu’ng 1901 inulat ni tanyag na radio engineer Nicola Tesla mismo ang komunikasyon mula sa outer space. Pinag-aaralan niya ang kaiimbento pa lang na wireless telegraph. Mula kung saan naulinigan niya ang marahan pero paulit-ulit na tatlong tapik. Tila sinasagot ang mga radio signals niya.
Napatunayang maari ngang magpadala ng ilaw at radio signals sa outer space. Ito nga ang paraan para makausap ang mga astronauts at satellites. Hindi totoo na kitang-kita mula sa space ship ang Great Wall ng China. Pero kita ang malalaking dagat, ang North Korea na isang madilim na blanko lang sa pagitan ng maliwanag na China at South Korea, at ang mausok sa polusyong Netherlands. Sa ganu’ng katalas na telescopes at radio waves sinisikap ng astronomers makipag-usap.
Marami rin silang nasasagap na iba’t ibang tunog, liwanag, at pahiwatig. Pinakamataas na anyo, anila, ang musika.
(Sa Biyernes: Nais mo bang magpadala ng musika sa outer space?)