May naisip nang paraan ang Quezon City kung paano sosolusyunan ang plastic pollution at sa isang banda, matutulungan ding kumita ang mga nagre-recycle ng kanilang basura. Inilunsad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang “trash to cashback” kung saan hinihikayat ang mamamayan na mag-recycle ng basura at maging bahagi na ito ng pamumuhay. Sa ilalim ng programa, lahat ng mga basurang plastic ay puwedeng ipalit ng pagkain – bigas, itlog, gulay at iba pang grocery items. Ang mga recyclables na maaaring ipalit ay kinabibilangan ng single-use plastics, botelya, papel, bakal at maging ang mga sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo at conditioner. Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay magkakaroon ng drop-off point at doon dadalhin ang mga recyclables at papalitan ng pagkain o babayaran.
Noon pang Marso 1 ng kasalukuyang taon ibinawal ang paggamit ng plastic bags at single-use plastics sa Quezon City. Ang mga lalabag ay pagmumultahin. Maging sa mga hotel at restaurants ay ipagbabawal na rin ang plastics. Ang mga establisimientong lalabag ay may kaparusahan.
Sabi noon ni Mayor Belmonte, nararapat nang maipatupad ang matagal nang hinahangad ng lungsod na mabawasan ang mga basurang plastic. Ito rin ang sagot ng lungsod sa malawakang kampanya sa buong mundo na mabawasan ang greenhouse gas emissions at mapalakas ang climate resilience. Naniniwala si Belmonte na magtatagumpay ang kampanya sa pagbabawal sa paggamit ng plastic at magiging kaugalian na ito sa lungsod.
Napakaganda ng “trash to cashback” program ng Quezon City para masolusyunan ang plastic pollution. Ngayong papalitan ng pagkain ang mga basurang plastic, tiyak na marami ang mahihikayat na mag-recycle at tiyak na wala nang makikitang plastic na lulutang-lutang sa estero, ilog at dagat. Napatunayan na ang mga sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo, toothpaste, catsup, at iba pang plastic na bagay ang bumabara sa mga daluyan ng tubig at ito ang dahilan nang pagbaha.
Magandang halimbawa ang “trash to cashback” at harinawang gayahin din ito ng iba pang lungsod at bayan para masolusyunan ang plastic pollution.