Maraming nabago sa ating mga nakagawian, isang taon mula nang pumutok ang COVID-19. Marami sa mga pagbabagong ito ay para sa ating kalusugan, lalo na para sa tinatawag na “mental health.” May mga natutong mag-bake o magpinta habang bored sa bahay. Ang mga nag-eehersisyo naman sa gym dati, napilitang mag-enroll sa online workout classes.
May iba namang nag-ampon ng aso’t pusa para maging kasa-kasama sa bahay. Dahil nga cute na cute sila, nagbibigay-kasiyahan ang mga “pandemic pet” na ito at nagpapakalma laban sa kinatatakutang COVID-19. Dahil patok ang pet adoption sa Estados Unidos, sa report ng Rover.com., isa sa tatlong Amerikano ang nag-ampon ng aso o pusa mula March hanggang October 2020.
“Of the people who adopted in the last year, 53% brought home a dog, 32% a cat, and 14% got both, a dog and cat,” dagdag ng Rover.com, na nagsabi ring millennials ang 13% sa mga umampon.
Dahil sa asthma ng aking anak, iniiwasan naming mag-alaga ng pets. Pero ngayong lockdown, napilitan kaming mag-alaga ng "pandemic pet rabbits" na sina Sophia at James para makatulong na maiwasan ang tinatawag na cabin fever o ang labis na pagkabagot dahil sa pagkakakulong nang matagal sa loob ng bahay o silid. Sa totoo lang, ang laki ng kanilang naitulong sa pagbibigay-saya sa aming tahanan. Sa simpleng pagpapakain, pag-aalaga at panonood sa kanila, tuwang-tuwa na kami ng aking mga anak, asawang si Nonong at pati na rin mga kasambahay.
Pero kahit ano pa mang saya ang ibinibigay ng pagkakaroon ng pets sa bahay, importante ang responsible pet ownership sa pag-aampon ng mga alaga. Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), ito’y ang pagiging maalam at mapagkakatiwalaan sa pag-ampon ng mga hayop. Paliwanag pa ng PAWS, “lifetime commitment” ang pag-aaruga ng isang hayop kaya dapat lubos ang paghahanda “timewise, financially, (at) emotionally.”
Sa aming programang Pamilya Talk, nakilala ko ang dalawang nanay na tunay ngang advocates ng responsible pet ownership. Ito’y sina Arizza Dungca ng The Cat House, na may 120 pusa at 10 aso, at si Jesica Baang ng Facebook Page na Pia and the Mimings na mayroon naming 24 na pusa. Sila’y mga ina, hindi lamang ng kani-kanilang mga anak, pero pati na rin ng mga dating nakakaawa, pero ngayo’y masisigla at masasaya nang mga puspins at aspins.
Nagmistulang pet parenting seminar ang aming programa! Agaw-eksena pa ang sikat na sikat online na alagang pusa ni Arizza na si Boots/ Tia Buding.
Si Arizza Aying at ang kanyang 9-year old cat, Tia Buding/Boots
Panoorin ninyo kung paano biglang nilundag ni Tia Buding at tinamaan ang camera ni Arizza, habang nagkukuwento ang kanyang fur mom ng kanyang mga karanasan at adbokasiya!
Pero sa mga nagbabalak magkaroon ng pandemic pet sa unang pagkakataon, mainam tandaan ang sumusunod na tips na aming tinalakay nina Arizza at Jesica.
May panahon ka ba para sa iyong pets at may lugar ka ba para sa kanila?
Ayon sa pahayag ng PAWS, mainam na handa ang mga nagbabalak mag-ampon pagdating sa makakain, maiinom at matitirhan ng alaga. Dagdag pa rito ang mga pangangailangang medikal ng mga hayop. Kaya tila hindi exaggeration ang pagkumpara nina Arizza at Jesica sa pagkakaroon ng anak na tao sa pag-aampon ng hayop! Iba talaga ang paghahanda pagdating sa pet parenting. Halimbawa na lang sa usaping tirahan. Dapat tandaan na kung di mo rin pala makokontrol ang pagdumi ng iyong alaga sa bahay, mabuti pa’y huwag nang mag-adopt. Pagdating sa huli, makasasama pa ang dumi sa yung kalusugan.
‘Adopt, don’t shop’
Tulad ng animal centers, kontra sina Arizza at Jesica sa breeding. Sabi nila, hindi nakatutulong ang “puppy mills,” o mga mass producer na, ayon sa PAWS, ay gusto lang pagkakitaan ang mga hayop. Paliwanag pa ng PAWS, “Puppy mills suffer from poor oversight, control and regulation. Ill-health, genetic defects and/or negative behavioral traits are often overlooked in favor of financial profit. The dogs used for breeding purposes are often insufficiently cared for, inhumanely housed and lacking adequate veterinary care.”
Jesica Baang of the Pia and the Mimings Facebook page
Ang pagkakapon
Katulad sa tao, hindi rin nakabubuti ang overpopulation ng mga aso’t pusa. Ito’y lalo na kung wala namang mag-aalaga sa kanila. Kaya naman sabi nina Arizza at Jesica, kailangang gawing prayoridad ng first time pet owners ang pagkakapon (spaying/neutering) ng kanilang mga alaga. Mas mainam daw pag mas maaga ang pagkapon.
Handa ka bang magpabalik-balik sa vet?
Bukod sa pagkakapon, marami pang mga pagbisita sa beterinaryo ang isang pet owner. Andyan ang pagbabakuna, pagpupurga (deworming), check-up kada taon at iba pang mga pangangailangang medikal. Sabi nina Arizza at Jesica, magastos ang pagkakaroon ng fur baby. Kaya nga raw dalawa ang trabaho nila para lang masustentuhan ang mga pinakamamahal nilang alaga! Dagdag pa ng wonder fur moms na kung mahihirapan man, may mga low-cost clinics at animal welfare groups na handang sumaklolo. Sabi nila, may online communities -- kabilang na ang kani-kanilang Facebook pages -- na handang mag-abot din ng tulong.
Pia (anak ni Jesica) at ang kanyang pusa na si KP!
Malawak ba ang iyong pasensya?
Magiging susi mo ang motto na “Patience is a virtue” sa pagiging responsible pet owner. Kagaya nga ng nabanggit nina Arizza at Jesica, para ka na ring nag-alaga ng bata sa pagiging pet parent dahil tututukan mo ang lahat. Sabi ni Arizza, “Mas mahirap pa, kasi di sila nagsasalita… Dahil nga tayo yung owner nila, kailangang na-oobserbahan natin kung ano ang behavior nila. So alam dapat natin pati yung eating habits nila—humina ba siya o napansin nating di siya masigla?” Sabi pa ng The Cat House matriarch, minsan, may dalang trauma ang ibang mga aso o pusa mula sa mga akala mo’y simpleng bagay lang. Kaya payo nya, kailangang laging maging mapagmatyag at matiyaga.
Handa ka bang magbago ang iyong buhay?
Maraming pet parents ang magsasabi nito sa iyo. Mahal at mahirap nga kasi ang pag-aaruga sa mga aso’t pusa. Sabi pa ni Arizza, 3/4 ng sweldo nya ay diretso sa kanyang pets! Pero paliwanag naman ng dalawang dakilang ina, hindi mo naman masusukat ang balik nito sa iyo. Sa kaso nila, nakatulong ang kanilang pagiging pet owners sa pagpapalaki ng kanilang mga anak na tulad nila’y naging fur moms na rin. Nakita at naramdaman mismo nila ang umaapaw na pagmamahal o unconditional love ng kanilang mga alaga. Handa ka nilang damayan anumang oras at araw. Kuwento pa ni Arizza, “Lalo na pag matagal na nating pets or yung tinatawag na companion animals. Nakakasaulo sila ng routine. Di man sila affectionate, pero nakikinig pa rin sila pag kinakausap natin sila tungkol sa mga problema natin. Siguro, gusto rin nilang ipakita sa atin na, ‘Kahit nabi-buwisit na ako sa mga paulit-ulit mong sinasabi or drama, narito lang ako.’”
--
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 6pm Monday & Wednesday; 7 p.m. Tuesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.