EDITORYAL - Vaccine pass
Hindi nag-iisip ang nagpanukala ng vaccine pass. Paano’y hindi pa gaanong umuusad ang pagbabakuna sa mamamayan, e vaccine pass na agad ang naisip. Sa panukala, gawin daw mandatory requirement ang vaccine pass para sa mga papasok sa establisimiento. Ibig sabihin bago makapasok sa alinmang establishment gaya ng malls, supermarkets, groceries, at iba pa, kailangang magpakita ng katibayan na bakunado na. Kailangang ipresenta ang vaccine card na nakasaad na fully vaccinated na ang indibiduwal. Kung walang maipakikita, hindi papasukin ang hindi pa bakunado.
Masyadong maaga ang nagpanukala ng ganitong sistema. Sa kasalukuyan, mababa pa ang porsiyento ng mga nababakunahan. Pawang health workers at senior citizens pa lamang ang nababakunahan pero gusto nang maghigpit sa mga walang bakuna.
Sabi ng Department of Health (DOH) hindi raw sila mag-iisyu ng vaccine pass. Hindi raw puwede sapagkat kahit full vaccinated na ang isang indibiduwal puwede pa rin siyang makapanghawa. Hindi raw nararapat ang pinapanukalang vaccine pass. Sabi ni DOH Undersecretary Rosario Vergeire, magkakaroon ng diskriminasyon kapag pinayagan ang panukalang vaccine pass.
Sinabi naman ni Presidential adviser for entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na napakababa pa ng mga nababakunahan para mag-isyu ng vaccine pass. Ayon kay Concepcion, 2.6 milyon doses pa lamang ang naibabakuna at masyadong mababa pa bago maabot ang herd immunity. Hindi siya sang-ayon sa panukalang vaccine pass.
Pagtuunan muna ng pansin ang mabilis na pagbabakuna bago ang vaccine pass. Kapag bakunado na lahat, hindi na kailangan ang mga pases para makapasok sa alinmang establisimiento. Tutukan ang pagbabakuna lalo’t sunud-sunod nang darating ang mga vaccine. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, bago matapos ang Mayo may darating na Pfizer at Sputnik V. At sa Hunyo, darating ang Moderna at AstraZeneca. Dadagsa ang bakuna kaya ito ang dapat pagtuunan ng pansin kung paano maibibigay sa mamamayan at nang hindi masayang. Marami nang willing magpabakuna pero ang pamahalaan ang mabagal at maraming tsetse buretse sa mga babakunahan.
- Latest