Naging matagumpay ang Vax OTG o on-the-go vaccination na inilunsad namin sa Makati noong nakaraang linggo. Naging mainit ang pagtanggap ng ating mga #ProudMakatizen na may PWD o mga kaanak na bedridden. Maayos at organisado ang naging unang vaccination drive sa Circuit Estates, at may 39 indibidwal ang nabakunahan.
Masaya akong ianunsyo na magpapatuloy ang Vax OTG sa mga susunod na araw at linggo para sa convenience ng mga residenteng mahihirapang pumunta sa mga regular na vaccination sites sa Lungsod. Magkakaroon din ng karagdagang mga sasakyan na gagamitin para sa mga magpapabakuna na walang sariling sasakyan. Sila po ay susunduin at ihahatid pauwi ng ating mga kawani sa City Hall.
Mas marami ring bakuna ang dumating mula sa ating pamahalaan. Bukod sa 3,000 doses ng Sputnik V na aking nabanggit noong nakaraang linggo, mayroon ding 5,000 doses ng Pfizer na ibinigay sa Makati. Ang bakunang ito ay galing sa donasyon ng mga ibang bansa na tinatawag na COVAX at nangangailangan ng espesyal na cold storage facility.
Dahil dito, sa Makati Medical Center o MMC dinala ang mga bakuna, at kaagad naman itong ipinamahagi sa mga naka-rehistrong Makatizens noong Thursday, May 13. Binisita ni Health Secretary Francisco Duque III ang MMC vaccine facility at nakita niya kung gaano kaayos, kabilis, at ka-organisado ang proseso ng #BakunaMakati roon.
Mayroon din po tayong 30,000 doses ng SinoVac at 19,000 doses ng AstraZeneca vaccines, kaya naman nais kong hikayatin ang mas marami pang Makatizens na magparehistro na upang mabakunahan laban sa COVID-19.
Mag log-in lamang sa www.proudmakatizen.com at i-click ang COVID-19 vaccination form. Sa ngayon po, prayoridad pa rin ang A1 to A3 classifications.
Sa A1 kasama ang frontliners sa mga medical facilities tulad ng health professionals, nursing aides, janitors, at barangay health workers. Ang A2 naman ay ang mga senior citizen na may edad 60 pataas. Samantalang, ang A3 ang grupo ng mga 18 to 59 years old na may comorbidities at medical conditions.
Sila ang itinuturing na highly-vulnerable o high-risk populations kaya po sila ang unang binibigyan ng bakuna. Humihingi rin po ako ng kaunting pasensya para sa mga indibidwal na maagang nag-rehistro ngunit hindi pa nabibigyan ng schedule. Sadya pong inuuna ang mga A1 to A3 groups dahil sila po ang may exposure sa virus o kaya naman ay tinuturing na mahina ang immune system at natural na depensa para labanan ang COVID-19.
Bilang mayor ng Makati, wala po akong ibang hangad kundi pangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng lahat ng aking nasasakupan. Lahat ng paraan ay gagawin ko para mas maraming residente at empleyado sa lungsod ang makatanggap ng bakuna at magkaroon ng proteksiyon laban sa coronavirus.
Muli at muli po akong humihingi ng inyong tulong, kooperasyon, at pang-unawa. Ang #BakunaMakati ay para sa lahat ng #ProudMakatizens. Ang laban kontra-COVID ay laban nating lahat.