EDITORYAL - Daming matigas ang ulo
MARAMING beses nang nagbabala ang pamahalaan sa mga pasaway o matitigas ang ulo na hindi nagsusuot ng face mask o kung nagsusuot man ay nakalabas ang bibig at ilong, pero sa kabila nito marami pa rin ang hindi sumusunod. Balewala rin kahit iniutos na ni President Duterte na arestuhin ang mga walang face masks at ikulong ng siyam na oras. Nabanas na ang Presidente kaya nag-utos na. Sabi ng Presidente, naka-face mask nga pero nakalabas naman ang bibig at ilong. Kahapon, mahigit 6,784 ang naireport ng DOH na kaso ng COVID. Bagama’t bahagya nang bumababa ang bilang hindi ito dahilan para suwayin ang health protocols.
Mula nang ipag-utos ng Presidente ang paghuli sa mga pasaway, nakahuli ng 18,000 sa unang araw nang pagpapatupad. May mga binigyan ng warning, pinagmulta, at ang iba ay isinailalim sa community service. Sabi ng DILG, ipatutupad nila nang buong husay ang kautusan ng Presidente laban sa mga hindi nagsusuot ng face masks at ganundin naman sa mga mali ang paraan nang pagsusuot. Sinabi rin ng DILG na mahigpit din nilang ipatutupad ang paghuli sa mga lumalabag sa mass gatherings.
Noong Linggo, isang resort sa Caloocan City ang lumabag sa pinag-uutos ng IATF makaraang buksan ito sa publiko. Dumagsa ang tao sa Gubat sa Ciudad at naglunoy na walang pakialam kung dapuan man sila ng virus. Dikit-dikit sila at kumpul-kumpol. Ipinasara na ang resort at ayon sa report, hindi na ito makapagbubukas pa. Kinasuhan na rin ang may-ari ng Gubat sa Ciudad.
Ngayong nasa GCQ na ang NCR at apat na probinsiya, posibleng marami na naman ang maging pasaway dahil nagluluwag na. Marami na namang magkukumpul-kumpol at baka dahil dito, dumami ang magkahawaan. Sabi ng ilang eksperto kapag hindi napigilan ang pagkukumpulan na walang face masks, maaaring matulad sa India na marami ang nagkahawa-hawa at namatay.
Huwag naman sana. Makabubuting sumunod sa health protocols ang mamamayan. Mag-face mask, face shield at iwasang magkumpul-kumpol. Huwag matigas ang ulo. Para ito sa kaligtasan ng lahat.
- Latest