Alam ng bagong hepe ng Philippine National Police ang namamayaning “padrino system” kaya nangako siya na wawakasan na ito. Alam niya na maraming pulis ang nakapasok sa serbisyo dahil sa ‘‘padrino system’’. Maraming ipinasok ng pulitiko, kaibigan ng police official, at mga kilalang personalidad. Kahit na hindi qualified, walang sapat na pagsasanay at pinag-aralan, tinatanggap dahil ayaw mapahiya sa nakikiusap. Ang resulta ng “padrino system”, nadungisan ang PNP. Bagama’t hindi naman lahat nang naipasok sa pamamagitan ng “padrino system’’ ay palpak, mas marami ang nagdulot ng kahihiyan sa pambansang pulisya. May nasangkot sa illegal drugs, kidnapping, pangongotong at iba pang masamang gawain. Karamihan din sa mga pulis na bunga ng padrino system ay abusado, mainitin ang ulo at laging ipinagyayabang ang baril sa tagiliran.
Ang ganitong sistema ang gustong wasakin ni bagong PNP chief Gen. Guillermo Eleazar. Ipinangako niya na daraan sa tamang recruitment process ang mga aplikante. Wala na raw ang nakaugaliang pagbibigay ng referral letter galing sa mga taong maimpluwensiya. Ayon kay Eleazar, ang mga referral letter ang pinagmumulan ng korapsiyon sa PNP. Sa pagkuha ng mga bagong recruit, ang pagbabasehan ay ang talino, galing at kapasidad ng aplikante. Ayon pa sa PNP chief, sisimulan niya ang pagpili sa mga recruit ngayong taon na ito. Kukuha ang PNP ng 17,000 recruits. Ang mga ito ang papalit sa mga tinanggal na pulis dahil sa korapsiyon.
Harinawang totoo na ang mga sinabi ni Eleazar ukol sa pagre-recruit ng mga magpupulis. Dapat ding idaan sa neuro-psychiatric exam ang mga recruit para matiyak kung may magandang pag-uugali at nasa tamang pag-iisip ang mga ito. Marami nang pulis ang nakagawa nang karumal-dumal dahil hindi nakontrol ang sarili. Halimbawa ay ang isang pulis sa Tarlac na binaril nang malapitan ang mag-ina noong Disyembre 2020.
Marami nang naging PNP chief ang nangako ng pagbabago sa organisasyon pero hindi natupad. Sana sa pagkakataong ito, hindi na mabigo ang mamamayan sa termino ni Eleazar. Ibangon niya ang imahe ng PNP.